UTAK SA PAGPATAY SA MAG-INA TIMBOG

arestado

LAGUNA – BUMAGSAK sa kamay ng mga kagawad ng Sta Rosa City-PNP ang iti­nuturo umanong utak sa naganap na brutal na pagpatay sa isang mag-ina makaraan ang mahigit na tatlong taon nitong pagtatago sa batas sa 4th Avenue Bonifacio Global City (BGC) sa lungsod ng Taguig kamakalawa ng hapon.

Ayon sa ulat ni PLt. Col. Eugene Orate, hepe ng pulisya kay Laguna-PNP Provincial Director PCol. Eleazar Matta, nakilala ang naarestong suspek na si Ricardo Sta. Ana Esperas Jr., alyas “Jeff”, call center agent, pansamantalang naninirahan sa Lungsod ng Valenzuela kung saan napapabilang sa number one most wanted person sa Lungsod ng Sta. Rosa.

Sinasabing nagkasa ng operasyon si Orate at ang kanyang mga tauhan sa pinaglilingkurang tanggapan ni Sta. Ana bandang alas-5:35 ng hapon bitbit ang warrant of arrest kaugnay ng kinasasangkutan nitong kaso na double parricide matapos maganap ang pagpatay sa kanyang mag-ina na sina Pearl Helen Bon Sta. Ana at anak nitong si Denzel, 1 taon at sampung buwang gulang, noong ika-2 ng Marso, 2016.

Kaugnay nito, makaraan ang isinagawang malalimang imbestigasyon ng pulisya at pakikipagtulungan ni NBI-Laguna District Office Chief Atty. Daniel Daganzo, unang naaresto ng mga ito ang dalawang kalalakihan na itinuturong responsable sa naganap na brutal na pagpatay sa mga biktima na sina Ramonchito Bituin Galo at isang Bryan Infante Avistado, pawang mga tricycle driver, at residente ng Muntinlupa, City.

Samantala, matapos magbigay ng kanilang pahayag sa awtoridad ang dalawang suspek, lumitaw na inutusan umano ang mga ito ng itinuturong utak sa krimen na si alyas Jeff na mismong ama ni Jenzel at asawa ni Helen na patayin ang mga ito sa hindi mabatid na dahilan bago binayaran ang mga ito ng malaking halaga ng salapi.

Bukod aniya rito, nagawa pang magpanggap ang mga ito na Globe Repairman habang suot ang mga pekeng identification card para makapasok sa bahay ng mga biktima habang ang suspek na si Sta. Ana ay nagkukubli at wala sa lugar.

Magugunitang bandang alas-4:00 ng hapon nang hindi inaasahang madiskubre ng kanilang kapitbahay ang nakahandusay na bangkay ng mga biktima sa loob ng kanilang bahay kung saan nagtamo ang mga ito ng maraming sugat sa kanilang ulo at mukha matapos pagpapaluin ng martilyo ng mga suspek.

Makaraan nito, nagawang magtago sa batas si Sta. Ana gamit ang iba’t ibang alyas at pangalan at mapalad na nakapagtrabaho sa naturang call center bago pa ito naaresto ng pulisya kamakalawa ng hapon. DICK GARAY

Comments are closed.