Ganito ang Crab Mentality: “KUNG HINDI KO MAKUKUHA, LALO KA NA!”
Sabi nila, tayo raw mga Filipinos ay may crab mentality – utak talangka sa madaling sabi. Kasama na ako diyan dahil Filipina rin ako kahit dito na ako nakatira sa Wyoming, USA. At kung Filipino ka, huwag mo itong ikahiya. Marami talagang ganyang tao sa sosyedad.
May mga Filipino na sa totoo lang, ay pikon pagdating sa kumpetisyon — na, “if I cannot have it, neither can you”. Kung merong nakakalamang sa kanya, ang una nilang iniisip ay kung paano mapapabagsak ang taong iyon sa pamamagitan ng pagkakalat ng tsismis upang masira ang reputasyon ng taong iyon. Dahil sa pagiging utak-talangka, naniniwala silang hindi patas sa kanilang ang ibang tao ay masaya at nakaluluwag sa buhay habang siya ay naghihirap. Kaya dapat, mahirapan din ang iba.
Marami sila. Verbally at mentally, pipilitin nilang hilahin ka pababa kapag nakita nilang umaangat ka. Kailangang pantay lang kayo o mas mababa ka pa. Gusto nilang mawalan ka ng tiwala sa sarili para sumubok na magtagumpay, o kaya naman, sisirain nila ang image mo para mawala ang tiwala ng ibang tao sa’yo. Ito ang paraan nila para sila mapansin o kaya naman ay para hindi mapansin ang kanilang pagkukulang. Sa halip magsikap, mas madali kasing makipagtsismisan at manira ng ibang tao.
Most likely, ang taong may crab mentality ay madaling mainggit sa tagumpay ng iba – kahit pa kaibigan o kapatid niya – sa halip na maging masaya para sa taong ito. Ayaw nilang maging mas matagumpay ka kesa sa kanya.
Iwasan ang mga taong ito kahit pa itinuturing mo silang kaibigan, kaanak, o advisers. Huwag mong sasabihin sa kanila ang iyong mga plano dahil hindi nila ito mauunawaan. Ang gusto lang nila ay bumagsak ka at magdusa – kasama nila.
Gusto ninyo ng example? Sa mga naging pangulo na lamang ng Pilipinas – sino ba sa kanila ang wala tayong maipipintas? Sino sa kanila ang pinuri dahil sa maganda nilang nagawa? Wala, di ba?
Ikaw? Kelan ka huling napuri ng kaibigan mo? Kaylan ka niya ipinagmalaki at hindi siniraan? KAYE NEBRE MARTIN