UTANG NG 1,119 FARMERS BURADO NA

Tinatayang umabot sa 1,119 ang Certificates of Condonation and Release of Mortgage (COCROMs) ang naipamamahagi ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa mga magsasakang agrarian reform beneficiaries (ARBs) mula sa Bulacan bilang patunay na hindi na sisingilin ang mga ito ng kanilang mga balanse o utang sa hinuhulugan nilang lupang pangsakahan.

Pinangunahan ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. ang pamamahagi sa mga ARBs na naghuhulugan ng lupaing pangsakahan na may lawak na 1,728.349 na ektarya ng lupa mula sa mga munisipalidad ng San Miguel, Baliwag, San Rafael, San Ildefonso, Angat, Bustos, Norzagaray, Balagtas, Bocaue, Pandi, San Jose del Monte, at Sta. Maria, Bulacan.

Ayon kay DAR Secretary Conrado Estrella III nagkakahalaga ng PHP 274,970,474.26 ang pinatawad ng COCROM na pagkakautang ng mga ARBs sa gobyerno.

Ang pamamahagi ng COCROM ay pagtupad sa mandato ng Republic Act No. 11953 o New Agrarian Emancipation Act (NAEA) na naglalayong patawarin ang lahat ng utang pang-agraryo ng mga ARBs sa ilalim ng programang pang-agraryo ng pamahalaan.

Nakatakda pang ipa­mahagi ng DAR ang 300,000 na COCROMs ngayong taon.

Bukod sa mga COCROM, iginawad din ang 343 na Certificates of Land Ownership Award (CLOAs) na may kabuuang sukat na 232.76 ektraya sa 287 na ARBs mula sa Na­sugbu, Batangas. Bahagi ito ng mas pinabilis na programa ng DAR sa pamamahagi ng lupa, bilang pagtupad sa direktiba ng Pangulo na tapusin ang distribus­yon ng lupa pagsapit ng 2028.

Sa ilalim ng administrasyong Marcos, 136,116 na titulong sumasaklaw sa 164,088 ektarya ang naipamahagi ng DAR sa 138,718 na ARBs sa buong bansa. May karagdagang 101,666 na titulo pa ang nakatakdang ipamahagi ng DAR sa natitirang buwan ng 2024.

Ayon kay Estrella III, “ang kaganapang ito ay hindi lamang pagdiriwang ng kaarawan ng ating Pangulo kundi pati na rin ng mga bagong pagkakataon at bagong simula para sa ating mga magsasaka. Sa pamamagitan ng inisyatibang ‘Sariling Lupa para sa Bagong Bukas na Masagana,’ tinutupad natin ang ating pangako na magbigay ng lupa at kasaganaan sa mga magsasaka, na mga bayani sa likod ng kasapatan ng pagkain sa bansa.”

Ma. Luisa Macabuhay-Garcia