UTANG NG PH LUMOBO SA P9.16-T DAHIL SA PAGTUGON SA COVID-19

bureau of the treasury-3

LUMAKI pa ang utang ng Filipinas sa ₱9.16 trillion noong Hulyo, ayon sa Bureau of the Treasury  (BTr).

Ito ay dahil kinailangan ng pamahalaan na manghiram ng dagdag na pondo upang tustusan ang mas malaking budget gap na resulta ng emergency COVID-19 response measures.

Ang utang ng bansa ay lumobo ng 17.4 percent mula noong nakaraang taon at nadagdagan ng ₱110.1 billion kumpara sa June level.

Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), hanggang noong Agosto 28 ay umabot na sa ₱389.06 billion ang nagastos ng pamahalaan para sa coronavirus-related projects at  programs.

Karamihan sa pondo ay nagmula sa local lenders, kung saan umutang ang Treasury ng ₱66.45 billion na karagdagang pondo mula sa peso loans at sa issuance ng debt papers upang umabot sa kabuuang ₱6.26 trillion. Ang numero ay mas mataas ng ₱1 trillion kumpara sa inutang noong July 2019.

One-third ng pondo ay nagmula sa foreign lenders, kung saan may utang ang gobyerno ng ₱2.91 trillion.

Malaking halaga ang nalikom sa pag-iisyu ng bonds at debt notes sa international investors, habang may  ₱1.23 trillion ang nakuha sa pamamagitan ng loan agreements.

Kabilang dito ang  deals mula sa mga institusyon tulad ng  World Bank at Asian Development Bank na nagpautang upang suportahan ang paglaban sa  COVID-19, gayundin ang mapabilis ang infrastructure at economic development.

Ang Filipinas ay nangungutang sa local at foreign investors upang maipatupad nito ang mga priority project na hindi agad mapopondohan  sa pamamagitan ng tax collections o iba pang public revenues. CNN PHILIPPINES

Comments are closed.