MALAKING hamon ang kakaharapin ng susunod na Pangulo ng Pilipinas pagkatapos ng trermino ni Presidente Rodrigo Duterte sa 2022.
Ito, ayon kay Finance Srecretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez III, ay dahil sa paglobo ng utang ng bansa, mataas na global inflation, lumalalang hindi pagkakapantay-pantay at climate change, bukod pa sa COVID-19 pandemic.
Sa isang talumpati ay sinabi ni Secretary Dominguez na ang kasalukuyang administrasyon ay umaasa na tutugunan ng mahahalal na Presidente sa susunod na taon ang nasabing mga suliranin para sa tuluyang pagbangon ng ekonomiya ng bansa.
“Kabilang dito ang mga paraan kung paano maingat na pangasiwaan ang mga utang na naipon at palaguin ang ating Gross Domestic Product (GDP) sa rate na mas mataas sa anim na porsiyento kada-taon tulad ng nangyari sa ating panahon,” ani Dominguez.
Ang Duterte administration ay napilitang mangutang sa gitna ng pamiminsala ng COVID-19 na nagpabagsak sa ekonomiya ng bansa.
Nangyari ang malaking paggasta sa panahon ng pandemic na lubhang kailangan upang makapamahagi ng ayuda sa panahon ng lockdown sa layuning palakasin ang sistema ng kalusugan.
Ilan sa mga magtutunggali sa May 2022 presidential elections ay sina Manila Mayor Francisko ‘Isko’ Moreno, Vice President Leni Robredo, former Senator Ferdinand ‘BongBong’ Marcos, Senators Ping Lacson at Manny Pacquiao.
Ang paglobo ng utang ay siya ring sanhi ng pagtaas ng GDP ng Pilipinas na sumasalamin sa kakayahan ng isang ekonomiya para bayaran ang mga obligasyon nito sa 54.6 porsiyento noong 2020 mula sa record-low na 39.6 porsiyento noong 2019.
Sa pagtatapos ng Setyembre, ang utang ng bansa ay tumaas sa 63.1 porsiyento at ito ay itinuturing ng mga ahensiya ng credit rating na kayang pamahalaan sa pag-usbong ng merkado.
Ang ratio ng utang ay inaasahang magtatapos sa 2021 sa 59.1 porsiyento hanggang 60.8 porsiyento sa 2022. Ang bahagi ng utang sa ekonomiya ay inaasahang bababa sa 60.7 porsiyento sa taong 2023 at 59,7 porsiyento naman sa taong 2024.
Ang natitrirang utang ng pamahalaan ay tataas pa sa record na P13.42 trilyon sa pagtatapos ng 2022 mula sa P11.73 trilyon ngayong taon.
Nagbabala ang Washington-based Institute of International Finance (IIF) na ang mga umuusbong na merkado tulad ng Pilipinas na gustong mapagaan ang kanilang pasanin sa utang kasabay ng pagbawi ng ekonomiya ay maaaring humarap sa mas mabagal na paglago sa hinaharap habang binabawasan nila ang pagagasta sa publiko.
Dahil dito, sinabi ni Secretary Dominguez na sila sa DOF ay gumagawa ng isang ‘playbook’ ng mga istratehiya para sa pagsama-sama ng pananalapi – kabilang ang posibleng bago o mas mataas na mga buwis na ipapataw ng Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs na maaaring ipatupad ng susunod na administrasyon upang makalikom ng mas maraming kita.
Ayon kay Dominguez, ang target range ng gobyerno na inflation rate ngayong taon ay mula 2% hanggang 4%.
Habang hinihintay ang pagpapalit ng administrasyon sa 2022, iminungkahi ni Dominguez na sa natitirang panahon ni Panglong Duterte ay dapat na mabilis na i-modernize ang pamamahala, ang paglulunsad ng mga programa sa imprastraktura, magpatuloy sa market friendly reform na kaakit-akit sa mga namumuhunan at himukin ang mga negosyante na patuloy na magpasok ng mga negosyo upang lumago ng husto ang kalakalan sa bansa.
vvv
Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa 09266481092 o mag-email sa [email protected].