UTOL NG PULIS-NCRPO, 3 PA TIKLO SA DRUG TRADE

drug trade

APAT katao kabilang ang kapatid ng pulis na nakatalaga sa NCRPO ang nasakote ng mga awtoridad sa isinagawang anti-drug operation sa bahagi ng Barangay Sampaloc 4 sa Dasmariñas City, Cavite kamakalawa ng madaling araw.

Kinasuhan habang nakapiit sa police custodial center ang mga suspek na sina Gerardo “Jerry” Dario y Tagorda, 59, ng City Homes Subd.; Ronnel Candaba, 24; Mark Louie Perez y Testano, 31; at si Jessie Movido y Camanag, 40, pawang naka­tira sa Sitio Pansol, Brgy. Sampaloc 4 sa nabanggit na lungsod.

Ayon sa ulat, si Dario na dating may kasong paglabag sa RA 9165 ay bagong laya habang si Candaba naman ay utol ng pulis-NCRPO at ang dalawang suspek ay pinsan ng pulis at barangay chairman.

Sa police report na nakarating sa Camp Pantaleon Garcia, lumilitaw na magkakasabwat ang mga suspek sa drug trade.

Nasamsam sa mga suspek ang 8 plastic sachets na shabu, mga drug paraphernalia at ang P300 marked money na ginamit sa drug operation habang isinailalim naman sa chemical analysis ang narekober na droga. MHAR BASCO