UTOL NI MAYOR ALDONG PAROJINOG HULI SA TAIWAN

Ardot Parojinog

MATAPOS ang sampung buwang pagtatago mula nang mapatay ang kapatid niyang si Ozamiz City Mayor Reynaldo ‘Aldong’ Pa­ro­jinog, nadakip ng Taiwan Police si Oza­miz City Councilor Ricardo “Ardot” Parojinog, Miyerkoles ng gabi.

Kinumpirma kaha­pon ng Philippine National Police (PNP) na ipinaalam ng Taiwan police sa PNP ang pagkakahuli kay Parojinog sa Pingtung County pasado alas-6:00 nitong  Miyerkoles ng gabi.

Ang pagkakaaresto kay Parojinog ay base na rin sa tip ng PNP sa mga awtoridad sa Taiwan matapos na unang maaresto ang ibang kasamahan nito.

Magugunitang sina Ozamiz Vice Mayor Nova Princess Parojinog at kapatid nitong si Reynaldo Parojinog Jr. ay ­inaresto noon dahil sa illegal possesion of firearms and explosives.

Noong Agosto 2017, nagpalabas ng lookout bulletin ang Department of Justice (DOJ) laban kay Ricardo matapos ang madugong raids sa bahay ng mga Parojinog sa Ozamiz.

Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. John Bulalacao, si Chief Supt. Albert Ignatius Ferro ng Drug Enforcement Group ang nagkumpirma sa pagkaaresto kay Ardot.

Samantala, nagpapadala naman ng team ang PNP sa Taiwan para maibalik sa Pilipinas si Ardot Parojinog. VERLIN RUIZ

 

Comments are closed.