MAHIGPIT na ipinag-utos ng Malakanyang sa Department of Agriculture (DA) na tiyakin na hindi kakalat sa iba pang lugar sa bansa ang mga natukoy na kaso ng African swine fever (ASF).
Ito ay makaraang kumpirmahin ng lokal na pamahalaan ng Pangasinan na mayroon na ring mga kumpirmadong positibo sa ASF sa mga namatay na baboy sa kanilang lugar.
“The orders will be to contain it (ASF), stop it,” wika ni Presidential Spokesmman Salvador Panelo sa ginanap na press briefing sa Malakanyang kahapon.
Isinisisi ng pamahalaang lokal ng Pangasinan sa mga local swine trader na nagdala ng hogs galing ng Bustos, Bulacan sa Pangasinan na naging sanhi ng pagkalat ng ASF.
Nauna na ring kinumpirma ng DA na nagpositbo sa ASF ang hogs mula sa Bulacan at maging sa lalawigan ng Rizal.
Bunsod ng kumakalat na ASF, ang mga pamahalaang lokal tulad ng Davao City ay nagpalabas ng kautusan na nagbabawal sa pagpasok ng mga baboy at iba pang pork products mula sa ibang lugar.
Nagpalabas ng kautusan si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na nagbabawal sa pagpasok sa kanilang lungsod ng hogs at pork products mula sa Luzon at nagpalagay na rin ng mga checkpoint sa buong lungsod upang mapigil ang anumang tangkang pagpapasok ng nabanggit na mga produkto.
“She’d (Duterte-Carpio) want to protect her constituents,” sabi pa ni Panelo.
Samantala, tiniyak ni Panelo na ginagawa ng DA ang lahat upang matugunan ang pagkalat ng ASF.
“I’m sure the Secretary of Agriculture is competent enough to handle this situation. He hasn’t said anything about not handling it,” dagdag pa ni Panelo. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.