UTOS NI PBBM TAPUSIN, ISARA NA ANG POGOS!

“Effective today all POGOs are banned!”

O, mga taga-Pagcor, nanood ba kayo sa 3rd State of the Nation Address (SONA) ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. nitong Lunes, Hulyo 22, na banned na, bawal na, dapat nang ipa­sara ang operation ng online gambling ng mga Chinese at iba pang dayuhan.

Sa speech ni PBBM, umani ito ng dumadagundong na palakpakan sa Kongreso, ibig sabihin, talagang ang gusto ng bayan, ipasara na ang POGO na pugad ng maraming kabulastugan at kriminalidad tulad ng financial scamming, money laundering, human trafficking, kidnapping, brutal torture, pagpatay at pagpuputa!

Sa POGO, nagpugad ang mga puganteng Chinese na dito sa atin nagtayo ng mga sindikato ng kriminal nilang gawain.

Malinaw ang sabi ni PBBM, aniya: “The grave abuse and disrespect to our system and laws must stop. Kaila­ngan na itigil ang panggulo nito sa ating lipunan at paglalapastangan sa ating bansa.”

Sa wakas, narinig din ang panawagan ng kolum na ito — na ilang beses na­ting hiniling, ipinanawagan natin na isara na ang POGOs!

Ini-expect natin, kumikilos na ang PAGCOR para alisin, burahin na, lusawin na ang mga lisensiya at kung ano-ano pang permit na ibinigay nito para magtayo ng POGO.

Hoy, mga taga-Immigration, kilos na, habulin na n’yo ang mga operator ng ilegal na online gambling operation, at makipagtulungan kayo sa lahat ng otoridad na gawing totoo ang utos ng ating presidente.

Isa sa ating pinalakpakan ay ang matining, matapang na pahayag ni PBBM na hinding-hindi niya, kasama po tayo, na isusuko ang ating sovereignty, ang ating pag-aari sa West Philippine Sea (WPS).

Sabi ng ating Pa­ngulo: “Ang West Phi­lippine Sea ay hindi isang kathang-isip natin lamang. Ito ay atin. At ito ay mananatiling atin, hangga’t nag-aalab ang diwa ng ating mahal na bansang Pilipinas.”

Sa maraming isyu ng kolum na ito, nanawagan tayo na ipag­tanggol ang ating kara­patan sa ating teritoryo sa WPS at ating suportahan ang ating matatapang na sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG) at protektahan ang ating mangingisda at lagi nating bantayan ang ating karagatan.

Sa kolum na ito, nasabi natin, siguro panahon na magtayo rin tayo ng sariling concrete naval and military bases sa Ayungin Shoal, sa mga bahura sa Spratleys.

Bakit, China lang ba, Vietnam lang ba ang may karapatan magtayo ng mga instalasyong militar?

Ipinanawagan din natin sa kolum na ito, patunayan ng US na totoo ngang “ironclad” na talagang matibay ang pangako na anytime, ipag­tatanggol ang Pilipinas laban sa mga nais tayong sakupin!

Kasama po ang kolum na ito na nagpapasalamat sa inyong kabayanihan — a thousand salutes po sa inyong mga sakripisyo upang mapanatili ang ating karapatan sa WPS.

Ilan pa sa nagustuhan natin sa SONA ni PBBM ay ang kanyang ‘bloodless war’ laban sa ilegal na droga, sabi nga niya, “Extermination was never one of them.”

Naalaala ko, ganyan din ang ginawa ni da­ting Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa paglaban niya sa ilegal na droga na dapat, makatao, sumusunod sa maayos na pagdakip sa mga tulak at mga biktima ng bawal na gamot.

Maliban, siyempre, kung ang mga drug pusher ay banta sa buhay na ating mga law enforcer, kailangan talaga na gumanti upang ilig­tas ang kanilang sarili.

Salamat at ngayon, todo na ang tutok ng gobyernong ito laban sa kahirapan at rice smuggling upang maseguro ang matagal nating nais na food security, at sabi ng ating Pangulo, “ pinakamataas na ani ng palay sa bansa nitong nakalipas na taon.”

Umani tayo ng 20 milyong tonelada — ang pinakamataas na ani natin mula pa noong 1987,  pero kulang pa ito, pag-amin niya, na mapababa ang presyo ng bigas at iba pang pangunahing bilihin.

Itinodo na rin ni PBBM ang pagtulong sa agriculture na ipinanawagan din natin sa kolum na ito, at isa rito ang pa­tuloy na pamimigay ng  Certificates of Certificates of Land Ownership Award (CLOAs) sa mga farmers.

At habang hinihintay  na mangyari ang pagbaba ng presyo ng bigas, ipinakalat na ang Kadiwa Centers para dun, makabili tayo ng mas murang bigas at iba pang produktong bukid.

At sabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, sa loob ng isang taon, ikakalat sa maraming probinsiya ang pagbebenta ng murang bigas sa presyong P29 kada kilo.

Para maparami ang pagkaing karne, isda at iba pang produkto ng livestocks at poultry, itotodo ang pagbibigay ng mga bagong makinarya, pataba, mga bakuna laban sa mga sakit tulad ng foot and mouth disease, at kung maging biktima ng kalamidad — baha, tagtuyot o pami­minsala ng insekto, ayuda agad ang ibibigay ng gobyerno.

At makukumpleto na, sabi ni PBBM, ngayong taon ang 1,200 kilometro ng daan upang madaling madala ang mga produkto sa palengke, at ang irrigation, cold storage at iba pang gawain upang ma-preserve ang mga sobra at masaganang ani.

Eto ang sabi sa SONA: “Ngayong ta­on, bibigyan natin ng patubig ang halos apatnapu’t limang libong ektarya ng bagong lupain. Bubuhayin din nating muli ang irigas­yon sa halos tatlumpu’t walong libong ektarya ng lupain sa buong bansa.”

“Sa ating nasimulan sa proyektong LAWA at BINHI, isinasagawa na ang mga modernong imbakan ng tubig, upang lalong maging handa at protektado ang ating mga magsasaka sa banta ng tagtuyot,” dagdag pa niya.

Palalakasin ang programa sa Edukasyon at Livelihood, at ang umangat sa 95.9% ang employment rate sa bansa, at itinaas na ang sahod ng karaniwang mangggawa.

Sa Health, dadalhin na sa mga lalawigan ang  mobile primary care clinics at pararamihin ang mga ospital at pahuhusayin ang kalidad ng serbisyo sa mga pagamutan ng pamahalaan at uumpisahan ang Bagong Urgent Care and Ambulatory Service or BUCAS Cen­ters sa sektor ng mga tulad nating mahihirap at mga walang-walang gagastusin sa pagpapagamot.

Eto ang nagustuhan ko pa sa SONA — paglulunsad sa “Walang Gutom 2027” para sa unang 2,300 pamilya hanggang 300,000 mahihirap na pamilya sa buong bansa bago matapos ang 2024 at ito ay itutuloy hanggang 2027 para umabot sa mahigit sa isang (1) milyong pamilyang mahihirap.

Pag-iibayuhin ang programang Pantawid Pamilyang Pilipino Program upang mabigyan ng karagdagang tulong-pinansyal na laan para sa mahihirap nating kababayan.

At iba pang problemang bayan, ito ay aaksiyonan ng ating gob­yerno sa taong ito, at ang Kongreso, base sa nakita nating reaksiyon ng ating mambabatas, tutulong sila upang ang mga pangarap at pangako ni PBBM ay maresolba.

‘Yung Internet services, power ay pahuhusayin ang capacity and connectivity sa pagkukumpleto ng phase 1, 2, 3 ng National Fiber Backbone, at pag nangyari ito, sabi ng ating Pangulo: “As of 2022, only seventy-seven percent or 20.6 million households were connected to the Internet.  This is much too low.”

At ang problema sa koryente, sabi ni PBBM, “Nireremedyuhan natin ang pangangailangan ng mga lugar na wala pang kuryente at madalas ma-brownout, sa pamamagitan ng microgrid at off-grid systems, at mga missionary small power utilities na sinusuportahan ng solar.”

Sa susunod na mga araw, imomonitor natin kung gumagalaw na ang PAGCOR sa utos ni PBBM na “patayin” na ang POGOs.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa [email protected].