Natapos na ang eleksiyon sa America. Panalo si Joe Biden laban sa kasalukuyan nilang pangulo na si Donald Trump. Naging mahigpit ang labanan. Halos hati ang mga mamamayan ng Estados Unidos sa unang sigwada ng resulta ng bilangan ng boto.
Subali’t ang kritikal sa pagkapanalo ni Biden ay ang dumagsang boto pabor sa kanya sa pamamagitan ng koreo o tinatawag nilang “mail-in ballot system”. Ito yata ang kauna-unahan sa kasaysayan ng America na marami ang nagpasyang bumoto sa pamamagitan ng koreo dahil sa pandemya.
Noong sinimulan ng US ang alternatibong pagboto sa pamamagitan ng koreo noong 1996, unti-unting dumadami ang mga Amerikano na mas nais ng bumoto sa ganitong sistema, imbes na personal na pumunta at pumila.
Noong 1996, 10.5% ng mga Amerikano ang mga bumoto sa pamamagitan ng koreo. Noong 2012 umakyat na ito sa 35.8%. Kaya hindi kataka-taka na maaring pumalo ito sa 40% o mas mataas pa nitong nakaraang halalan.
Sa 2022, ang ating bansa ay pipili muli ng ating susunod na Pangulo. May umiikot na katanungan kung puwede raw ang “mail-in ballot system” dahil sa kasalukuyang sitwasyon ng pandemyang Covid-19. Ha?!
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, hindi raw uubra sa atin ang “mail-in ballot system” para sa 2022 national elections. Para kay Sotto, ito ang pinakamadaling paraan upang makapandaya sa resulta ng eleksiyon.
Maganda rin ang mga balik katanungan ni Sotto rito. Ang sagot niya ay “Sino tatanggap? Nationwide? Saan padadala, Post Office? Kailan bibilangin? Sino bibilang?” dagdag pa niya, “Paano kung may mag-leak ng results kung totoo ito o peke?” Totoo naman ang reaksiyon ni Sotto rito. Mas magbubukas ka pa ng oportunidad upang makapandaya.
Noon pa man ang ating Comelec ay patuloy na gumagawa ng mga paraan upang mawala ang dayaan tuwing eleksiyon. Ito ay dulot ng maraming mga ginawang paraan ang ating mga politiko upang mandaya tulad ng sinasabing ‘flying voter’, mga patay na bumoto, bayaran ng boto, maniobra sa resulta ng eleksiyon bago dumating sa provincial canvassing, bayaran umano sa loob ng Comelec para pumabor sa isang politiko at marami pang iba.
Gumawa ng hakbang ang Comelec upang maiwasan ang lahat ng mga ito sa pamamagitan ng tinatawag na computerized election na siyang ginagawa natin ngayon. Subali’t hindi pa rin nakalusot umano ito sa pandaraya.
May akusasyon na ang kinuha nilang teknolohiya na Smartmatic ay maari rin daw mapalusutan. Maraming iniulat noong mga nakaraang eleksiyon, kung saan ginamit natin ang Smartmatic, na pumalpak ang kanilang mga voter counting machine at sirang Secure Digital (SD) memory cards. Subali’t ang katwiran ng Comelec ay iilan lamang daw iyon.
Kaya naman sa ating sistema ng eleksiyon kung saan balot na balot palagi ng suspetsa ng dayaan, mag’ iisip pa ba tayo ng pagboto sa pamamagitan ng koreo?
Comments are closed.