UUBRA KAYA ANG ANTI-AGRI SMUGGLING COURT?

MULA noon hanggang ngayon, sinasabing talamak na ang smuggling.

Bunga ng mga hindi binabayarang taxes and duties, naiisahan at nadadaya ang pamahalaan.

Mas lumalala na nga raw ito ngayon.

Pati raw kasi agricultural products ay naipapasok na rin sa bansa nang walang kahirap-hirap.

Kumbaga, parang pangkaraniwan na lang ang pagpasok ng agri goods.

Senyales ito na walang takot ang mga smuggler.

Maituturing itong economic sabotage na may katapat na mabigat na parusa.

Ngunit balewala lang sa mga sindikato at tila hindi bumabahag ang buntot.

Kahit ang mga nasa Bureau of Customs (BoC) ay idinadawit din sa mga aktibidad na ito.

Noong mga nakaraang buwan, nabunyag ang pagbaha ng smuggled agri products kung saan kabilang dito ang asukal, bigas, carrots, bawang, sibuyas at marami pang iba.

Sa kabila ng kaliwa’t kanang operasyon ng BOC at kampanya ng pamahalaan, nakapagtatakang walang agri smugglers ang naitatapon sa kulungan.

Nakakaalarma raw na walang naparurusahan dito.

Kaya isinusulong ng ilang senador ang pagbuo ng mga korte na tututok daw sa mga kaso ng agricultural smuggling sa bansa.

Sa ganitong paraan raw, mabibigyan ng ngipin ang Anti-Agricultural Smuggling Law na tumutukoy sa smuggling na ito bilang economic sabotage.

Ayon kay Sen. Cynthia Villar, chairperson ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, magiging epektibo raw ang batas kung may espesyal na hukuman na hahawak sa mga usapin ng smuggling, hoarding, profiteering at kartel ng agricultural products.

Ito ang dahilan kaya itinulak ni Villar ang Senate Bill No. 1963 para rito dahil sa kabila raw ng umiiral na batas ay wala pa namang nasasampahan ng kasong pananabotahe sa ekonomiya.

Sa Agri-Smuggling Act, mayroong “cut-off amount” kung saan maaaring ideklara bilang economic sabotage at non-bailable gaya ng P10 milyon para sa bigas at P1 milyon sa iba pang agri commodities.

Tama nga naman si Villar sa kanyang pahayag na dapat maisama ang hoarding, price manipulation at kartel sa non-bailable offense sa ilalim ng batas.

Maging si Sen. Francis Tolentino, chairperson ng Committee on Justice and Human Rights, ay aminadong namamayagpag pa rin ang mga smuggler ng agricultural products.

Sa pamamagitan daw ng Anti-Agricultural Smuggling Court, mas mabibigyang pansin at mahahabol ng pamahalaan ang mga sangkot sa smuggling, hoarding, profiteering at kartel.

Siyempre, mabilis ding mapapanagot ang mga indibidwal o organisasyon na sangkot dito.

Sa totoo lang, pati ang mga lokal na magsasaka ay nadadaya rin ng mga agri smuggler at hindi lang ang gobyerno.

Kawawa ang mga magsasakang mawawalan ng ikabubuhay kung hahayaan nating magpatuloy ang mga ganid sa kanilang masamang gawain.

Malamang may mga kakutsaba sila, hindi lang sa BOC, kundi maging sa iba pang ahensya ng gobyerno.

Puksain ang agri smugglers at maging ang mga sinasandalan nilang padrino.