UUBRA KAYA ANG EXPANDED NUMBER CODING SCHEME?

MATINDI na naman ang trapik sa kasalukuyan.

Siyempre, bunsod ito ng mas pinaluwag na restrictions sa National Capital Region (NCR) bunga ng muling pagbubukas ng ating ekonomiya.

Nakadagdag din daw sa bigat ng daloy ng trapiko ang pagbabalik ng mga provincial bus sa Epifanio de los Santos Avenue (EDSA).

Pinapayagan na kasi ang provincial buses sa EDSA simula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga kasunod ng serye ng konsultasyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa stakeholders, bus operators, at iba pang sektor.

Dalawang linggong “dry run” lang daw pala ito na layong masuri ang bagong polisiya.

Sinasabing tuloy-tuloy ang pakikipag-ugnayan ng MMDA sa bus operators para alamin kung paano ito mas mapapabuti.

Kung susuriing maigi, hindi lamang sa EDSA mabigat ang trapik ngayon kundi sa maraming lansangan na sa Metro Manila.

Bunsod ng usad-pagong na kalagayan ng trapiko, maraming oras na nasasayang at nawawalan ng bilyong piso ang bansa.

Lahat ng paraan at polisiya na maaaring gawin ay ginagawa na yata ng MMDA.

Ngayon, may naiisip na naman silang bagong number coding scheme.

Target daw nila itong ipatupad pagkatapos ng May 2022 elections.

Sabi ni MMDA General Manager Frisco San Juan Jr., patuloy pa ring pinag-aaralan ang panukalang 40-50% vehicle reduction sa mga lansangan.

Kasama raw sa mga opsiyon ang pagpapatupad ng 50% volume reduction plan kung saan ang mga sasakyan na nagtatapos ng ‘even numbers’ ang plaka ay bawal bumiyahe sa NCR tuwing Martes at Biyernes.

Hindi naman maaaring bumiyahe ang mga nagtatapos ang plaka sa ‘odd numbers’ tuwing Lunes at Huwebes.

Nariyan din daw ang opsiyon na 40% reduction plan kung saan bawal ding lumabas sa Metro Manila sa loob ng dalawang araw ang mga sasakyan kada linggo at may kanya-kanya ring schedule na batay sa kanilang plaka.

Pinag-aaralan din ang pagpapatupad ng parehong opsiyon tuwing rush hour o alas-7:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng umaga at alas-5:00 ng hapon hanggang alas-8:00 naman ng gabi.

Hindi naman bago sa ating pandinig ang mga pagbuhul-buhol ng trapiko.
Batay sa mga pag-aaral noon, ikatlo ang Metro Manila sa mga lugar sa Timog Silangang Asya na grabe ang trapik kung saan una ang Jakarta at ikalawa naman ang Bangkok.

Natatandaan ko pa na sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2017, inatasan niya ang mga awtoridad na alisin ang lahat ng sagabal sa EDSA para mapaluwag ang daloy ng trapiko rito.

Dapat daw alisin ang lahat ng obstructions para maging maayos ang traffic flow. Pati nga ang Local Government Units (LGUs) ay inatasan ding linisin ang kani-kanilang mga nasasakupan.

Sinunod ng mga LGU, MMDA at Department of Transportation (DOTr) ang utos ng Presidente.

Pinagbabaklas ang lahat ng mga sagabal.

Ngunit matapos yata ang ilang linggo, nagbalikan na naman sila at hanggang ngayon, kahit saang lugar daw sa Metro Manila ay nariyan ang mga obstruction.

Nariyan din ang kaliwa’t kanang road repairs at constructions na tila paulit-ulit na lang na ginagawa na animo’y nagiging minahan na ang mga ito.

Kaya hanggang ngayon, buhol-buhol pa rin ang trapiko.

Alam naman natin na talagang ginagawa ng gobyerno ang lahat para mapaluwag ang trapiko sa NCR.

Kaya nariyan ang pagsasaayos ng mga kalsada, pagtatayo ng skyway, access roads, at mga riles para mapagaan daw ang trapik.

Sa kabilang banda, hangga’t walang maayos na access roads at alternate routes, hindi luluwag ang mararanasang grabeng trapik sa Metro Manila at iba pang lungsod o bayan.

Kung saan-saan na lang kasi lumulusot ang mga sasakyan.

Hindi rin dapat ningas-kugon ang pag-alis sa mga nakahambalang sa pangunahing kalsada.

Kailangang gawing regular ang pag-iinspeksiyon at paglilinis ng MMDA at iba pang kinauukulang ahensya, katuwang ang mga lokal na pamahalaan.

Sa palagay ko, nararapat din namang walisin ang mga kolorum na bus, dyip, at iba pang sagabal sa kalsada.