UUNLAD ANG INDUSTRIYA NG SAGING SA BANSA

alex santos

HINDI maitatatwa na nakasasabay na ang mga Filipino sa paglaganap ng makabagong teknolohiya.

Bagama’t hindi natin napupuntahan ang isang lugar, dahil sa mga produkto nito, para na rin nating napasyalan ito.

Sa pagbili naman ng mga produkto, kahit nasaan man ito, ang anumang mabibili ay napakadali nang makuha dahil sa internet o online shopping.

Subalit sa ganitong kaganapan, kinakaila­ngang makipagkumpetisyon ang mga Filipino sa mga produktong inaalok o itinitinda sa mga merkado sa kasalukuyan.

Kung noon ay naisasantabi o nababalewala ang sariling atin, ngayon ay kaya na nating makipagsabayan sa mga banyaga pagdating sa kalidad ng mga produkto, hindi nga lang ganoon karami ang produksiyon.

Mahal din naman ng ating gobyerno ang mga consumer.

Dahil mahalaga sa atin ang bigas, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Rice Tariffication Law kaya hindi na limitado ang dami ng maaaring angkatin sa ibayong dagat.

Bunga nito’y kahit sino, maaari nang mag-import ng bigas basta’t makapagbabayad ng taripa.

Nais ng Pangulo na bumaha ang bigas sa mga pamilihan para bumaba ang presyo.  Well, kapag marami nga naman ang bigas, tiyak na magkakaroon ng kumpetisyon at sasad­sad ang presyo. Ulam na lang ang poproblemahin ng mga nagdarahop nating kababayan.

Sa ganitong paraan, hindi na raw masyadong apektado ang taumbayan kahit tumaas pa ang presyo ng petrolyo. Paraan ito ng pamahalaang Duterte upang makontrol ang antas ng inflation.

Kung matatandaan kasi, isa sa sinisisi ng Presidente sa pagpalo ng inflation rate ay ang mataas na presyo ng bigas.

Dahil nga sa ‘free-for-all’ na ang importasyon ng bigas, unti-unti nang naiibsan ang dinaranas na problema sa presyo ng mga bilihin.

Sapagkat mababa nga ang taripa ng mga ipinapasok na bigas ng mga banyaga sa ating bansa, isinusulong naman ng gobyerno ang pagpapababa ng taripa sa mga produkto naman natin.

Katunayan nga, inihirit na raw ni Agriculture Secretary William Dar kay Japan Vice Minister of Agriculture, Forestry and Fisheries (MAFF) Shinya Fujiki na bawasan o kaya’y tanggalin ang taripang ipinapataw sa mga saging na ibinabagsak natin sa kanilang bansa.

Tuwing winter season, kung hindi ako nagkakamali, sinisi­ngil tayo ng Japan ng 18-percent tariff sa mga ipinadadala nating sa­ging doon at 8 percent naman tuwing summer.

Nais ni Dar na ma­ging zero percent ang preferential tariff rate na ito.

Mula 1991 hanggang 2017 o halos tatlong dekada, ang Japan ang pinakamalaking importer ng Philippine bananas hanggang sa malakdangan ito ng China nang bumili ang mga Tsino ng higit sa 1.1 million tonelada noong 2018.

Nakapaloob ang kahilingang ito ni Dar sa Philippines-Japan Economic Partnership Agreement.

Nawa’y mapagbigyan tayo ng Japan.

Kapag naayos ang usaping ito, uunlad ang industriya ng sa­ging sa ating bansa at makababawi ang ating mga magsasaka na sinasabing nalulugi naman dahil sa pagbaha ng mga imported rice.

Malugod nating tinatanggap ang Rice Tariffication Law na nilagdaan ni Pangulong Duterte.

Kahit nasasaktan ang ating mga magsasaka, mahalagang ma­subok ito at magiging daan upang magsumikap pa sila para mapantayan ang kakayahan sa produksiyon ng kanilang mga kapwa magsasaka sa ibang bansa.

o0o

Si Alex Santos ay broadcaster sa mga programa ng DWIZ 882 tulad ng Ratsada Balita tuwing alas-6 ng umaga at IZ Balita Nationwide Pang-uma­gang edisyon (7am-8am). Mapapanood ninyo rin ako sa PTV NEWS araw-araw, alas-6 ng gabi. Ipadala ang inyong komento at reaksiyon sa lu-paxsantos1@yahoo.com o puwede ninyo akong i-follow sa twitter account @iamalexsantos.