UUWING OFWs GAWING ENTREPINOYS

SEN GATCHALIAN

NANAWAGAN si Senador Win Gatchalian sa pamahalaan na tulu­ngan ang mga magsi­sibalik na overseas Filipino workers (OFWs) na maging ‘entrepinoys’ sa pamamagitan ng pagkakaloob ng entrepreneurial programs.

Sa pinakabagong datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), may 1.26 milyong Pinoy na nasa Middle East ang apektado ng kaguluhan sa pagitan ng Estados Unidos at ng Iran.

Sa ulat naman ng Department of Foreign Affairs (DFA), may 1,190 documented at 450 undocumented Filipino workers ang nasa Iraq, samantalang sinabi ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA ) na 1,300 naman ang nagtatrabaho sa Iran.

Dahil dito, hinikayat ni Gatchalian ang Department of Trade and Industry (DTI) at OWWA na tulungan ang mga OFW na magtayo ng sarili nilang negosyo o micro, small or medium-sized enterprises (MSMEs) sa bansa sa pamamagitan ng OFW Enterprise Development and Loan Program (OFW-EDLP).

Ang nasabing programa ay para sa mga active at non-active OWWA member kung saan maaari silang makautang ng mula P100,000 hanggang  P2 milyon.

Naniniwala ang senador na ang ‘Balik-Pinas! Balik-Hanapbuhay Program’ sa ilalim ng OWWA’s Reintegration Program ang magbibigay ng pag-asa sa mga miyembro na nawalan ng trabaho dahil sa kaguluhan.

“Instead of focusing only on where to send our displaced OFWs, we should also give them an alternative to overseas employment, one of which is helping them become entrepreneurs in their own country,” wika ni Gatchalian.

“When we help our OFWs start their own businesses, we are not only helping them get a good and decent livelihood in their own country, they can also provide job opportunities for other Filipinos as well,” dagdag pa ng senador.        VICKY CERVALES