UV DRIVER NOON,RTW SELLER NA NGAYON

Joel Ballebar

ISANG da­ting UV driver ang huminto sa kanyang hanap buhay matapos na magdesisyon na magtayo na lamang ng isang maliit na tindahan ng damit sa kanilang lugar sa lungsod ng Caloocan.

Si Joel Ballebar, 36 anyos at residente ng Deparo, Caloocan City ay isang UV driver at bumibiyahe siya dati sa rota ng Novaliches at Cubao.

Dati si Ballebar ay tumutulong sa kanyang mga magulang sa pagtitinda ng mga damit lalo na sa pamimili ng kanilang mga paninda sa Baclaran, Divisoria at kung saan-saan pa bago niya naisipang bumiyahe ng UV sa dahilang lumalaki na ang kanyang dalawang anak.

Dahilan sa ito ang negosyo ng kanilang pamilya ay natutunan na rin niya kung paano magpalakad ng ganitong negosyo.

Si Ballebar ay isang single parent at ito ay may anak na isang babae at isang lalaki, mula nang siya ay mag-asawa ay ginampanan niya ang pagiging mabuting asawa at ama sa kanyang mga anak, hindi man siya sinuwerte sa kanyang napiling dapat sana ay makakatuwang niya sa pagpapalaki ng kanyang mga anak sinu­werte naman siya sa kanyang dalawang anak na kapwa mababait at hindi maluho.

Para sa isang tulad niya na mahirap ang pinag­daanan, inabot niya ang magipit dahil sa wala naman siyang ibang pagkakakitaan para ipangtustos sa kanyang mga anak na noon ay naggagatas pa ang kanyang anak na lalaki.

Ito ang nagtulak sa kanya upang mamasukan bilang driver ng UV Express na kung saan ay tumagal siya ng ilang taon at nang magkaroon na nga ng pandemya ay natigil ang kanilang biyahe kung kaya’t nagdesis­yon siya na magbukas na lamang ng isang mali­it na tindahan at sariling negos­yo malapit sa kanilang inuupahang bahay.

Nangangamba na baka ang kanyang kaun­ting naipon ay maubos at hindi niya mapaunlad ang kanyang negosyo kaya mag-isa niya itong pinagpursigihan at dahilan sa maliit lamang ang kanyang puhunan ay hindi siya kumuha ng katulong sa pagtitinda.

Bago siya umalis sa kanilang bahay ay ipinag­luluto muna niya ang kanyang anak upang paggising ng mga ito ay may kakainin na at pag uwi naman niya sa gabi ay magluluto naman siya ng kanilang hapunan at mag-aayos ng kanilang bahay.

Ayon kay Ballebar nahihirapan man siya ay kailangang kayanin niya at magampanan niya nang tama ang kanyang mga responsibilidad dahil ginagawa niya ito hindi sa pansarili kundi para sa kanyang mga anak na umaasa sa kanya.

Dahilan sa kanyang pagtitiyaga sa loob lamang ng halos isang taon ay nakapagpundar siya ng motorsiklo at hulugang Van kung saan ito ang ginagamit niya sa pamimili at kung may pagkakataon ay tumatanggap din siya ng arkila sa kanyang Van bilang pan­dagdag sa kanyang kita.

Sa ngayon, siya ay nag-aayos ng kanyang panibagong puwesto na nakatakda naman niyang buksan ngayong linggo kung saan ay gagawin niyang itong tyanggian. EVELYN GARCIA

3 thoughts on “UV DRIVER NOON,RTW SELLER NA NGAYON”

Comments are closed.