UV EXPRESS BAWAL PA, RUTA INAAYOS PA – DOTr

UV EXPRESS

HINDI matutuloy ang pagbabalik-pasada ng mga UV Express ngayong araw dahil inaayos pa ng Department of Transportation (DOTr) ang kanilang ruta.

“Hindi pa natin papatakbuhin bukas (ngayon) ang mga UV Express dahil inaayos pa natin ang kanilang ruta,” pahayag ni DOTr road sector consultant Alberto Suansing sa isang news program.

Ayon kay Suansing, ang mga UV Express ay dapat na mag-operate point-to-point.

Ang mga UV Express ay kasabay sana ng modern jeepneys at bus na magbabalik-pasada ngayong araw.

“Mga modern jeepeney, identified na ang mga ruta nila at maaari na silang tumakbo bukas (ngayon),” ani ­Suansing.

Nauna nang inanunsiyo ng DOTr na may  3,600 buses at 1,500 modern jeepneys at UV Express ang papayagang bumiyahe sa Metro Manila ngayong araw.

Ayon kay Suansing, may 31 ruta ang bubuksan para sa mga bus.

“Lahat ng 31 routes na identified ng LTFRB ay may tatakbo na bus doon. ‘Yung ruta na ‘yan, ‘yung iba d’yan is dati tinatakbuhan ng mga jeep. So pinatatakbuhan na natin ng bus ngayon,” aniya.

Ang mga lumang jeepney ay hindi pa rin pinapayagang bumiyahe dahil hindi umano nito maipatutupad ang physical distancing na mahalaga para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.    PILIPINO Mirror Reportorial Team

Comments are closed.