UV EXPRESS COMMUNITY, DUMADAING NA, PROTESTA IKINASA

LTFRB Chairman Martin Delgra III

MAGLULUNSAD ng kilos protesta ang hanay ng UV Express sa tapat ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa darating na Huwebes Setyembre 17 para ipanawagang payagan na silang makapamasada.

Sa isang panayam ng Pilipino MIRROR, sinabi ni Rommel Lansangan, pangulo ng UV Express Federation QC na hirap na hirap na ang mga drayber at pamilya ng mga UV express sa halos pitong buwang nakatambay ang kanilang mga sasakyan.

Hiling ni Lansangan kay LTFRB Chairman Martin Delgra na payagan na silang makapamasada sa Metro Manila gayong unti-unting nagluluwag na ang galaw sa Kalakhang Maynila.

Ani Lansangan, tila napag- iwanan na ang kanilang hanay gayong wala man lamang natanggap na kahit anong ayuda ang UV Express community.

“Seven months na po kaming naka tengga at walang ayuda, may mga reports din na pati drivers ng UV Express nanlilimos na rin, maawa naman sila,” saad ni Lansangan.

Ilan sa daing ng UV Express community ay ang bayarin nila sa upa sa mga terminal, pambayad sa kanilang hinuhulugang sasakyan, kawalan ng ayudang natatanggap mula sa pamahalaan.

Samantala, inaasahang makikipagsanib puwersa ang Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) sa pangunguna ng kanilang national president na si Efren de Luna sa isasagawang motorcade sa Huwebes bilang suporta sa transport group. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.