NAMAHAGI ng UV lights at medical kits ang lokal na pamahalaan ng Pasay sa lahat ng pampublikong eskuwelahan sa lungsod bilang preparasyon sa napipintong face-to-face classes sa National Capital Region (NCR).
Ang pamamahagi ng UV lights at medical kits ay karagdagang hakbang pangkalusugan at kaligtasan ng mga estudyante at guro sa mga silid-aralan at iba pang pasilidad sa mga pampublikong eskuwelahan sa lungsod.
Sinisiguro rin ng lokal na pamahalaan ang proteksyon ng mga estudyante pati na rin ng mga guro at non-teaching personnel laban sa COVID-19 kapag nagbalik na sa normal ang face-to-face classes.
Ang lokal na pamahalaan ay nakatakdang magsagawa ng pilot face-to-face classes sa Padre Zamora Elementary School (PZES).
Sa isasagawang pilot run ng face-to-face classes na gaganapin sa PZES ay makakapag-akomoda ng hanggang 45 na estudyante kung saan mahahati ito sa dalawang shifts na mayroong tig-tatlong oras sa kada sesyon. MARIVIC FERNANDEZ