KAPANSIN-PANSIN ang pila ng mga pasahero kahapon nang tuluyang ikasa ng mga drayber at jeepney operators ang isang buong linggong transport strike upang iprotesta ang planong jeepney phaseout ng pamahalaan sa ilalim ng PUV modernization program.
Simula noong Lunes, tinatayang nasa 100,000 na drayber at operator ang lumahok sa protesta sa pamamagitan ng pansamantalang pagtigil ng biyahe na siya namang higit na nakaapekto sa libo-libong commuters sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.
Sa ilalim ng PUV modernization, plano ng pamahalaang ayusin at pagandahin ang sistema ng transportasyon sa bansa at maghatid ng serbisyong tutugon sa pangangailangan ng mga pasahero sa pamamagitan ng tuluyang pagbawi ng mga prangkisa ng mga old model na jeep at public utility vehicles kapalit ng mga modernized vehicle na gumagamit ng Euro IV emission standard.
Nais din nitong paigtingin ang adoption ng mga pampasadang sasakyan na pasok sa pamantayan ng PUV modernization program. Kaya lamang, kumpara sa mga tradisyunal na jeepney na nagkakahalaga ng P150,000 hanggang P250,000 ay mas mahal ang nasabing mga modernong sasakyan na nagkakahalagang P2.8 milyon.
Ayon sa mga kritiko, hindi kakayanin ng karamihan sa mga drayber at operator ng mga modern jeep na makabili ng nasabing mga unit. Dagdag pa, tinawag din itong “anti-poor” dahil higit din itong makaaapekto sa bulsa ng mga commuter dahil sa paniguradong mas mataas ang pamasahe. Mula noong Oktubre 2022, nasa P14 na ang minimum na pasahe sa mga modern jeepney at tumataas ito ng P2.20 sa kada kilometro.
Bilang tugon, sinimulan ng Department of Transportation (DOTr), sa tulong ng Development Bank of the Philippines, ang loan assistance program na Program Assistance to Support Alternative Driving Approaches (PASADA) upang mapaigting ang programang ito.
Hindi naman masama ang layunin ng PUV modernization program sa pagnanais nitong pagandahin ang sistema ng transportasyon sa Pilipinas, ngunit lubos na makaaapekto ang planong jeepney phaseout sa kabuhayan ng mga operator at drayber ng mga tradisyunal na pampasada. Lalo kung walang sapat na financial assistance mula sa gobyerno, paano mabubuhay ang mga taong apektado?
Dagdag pa, lalo na namang tataas ang pamasahe sapagkat sa bandang huli, sa mga commuter lang din naman babawiin ang mga pinuhunan para sa modernisasyon ng mga sasakyan. Kawawa na naman ang mga bulsa ng mahihirap na Pilipino.
Naging bahagi na ng ating kultura ang mga jeepney. Huwag sana natin itong alisin. Ayon nga sa sikat na awtor na si Bob Ong, kapag sumakay ka raw ng jeep ay hindi ka lang sumasakay sa isang sasakyang panlupa ngunit sumasakay rin tayo sa isang kultura—ang kultura ng mga Pilipino.
Sa phaseout program, dapat ay mas maigting na usapan sa panig ng mga driver, operator at gobyerno ang pairalin upang makahanap ng akmang solusyon sa parehong panig. Iwaksi muna ang mainit na balitaktakan na wala naman solusyong mararating. Sana muling umpisahan ito para magkaroon ng mas maayos na solusyon sa problema.