Nangako si soon-to-be named MVP Kevin Quiambao na babawi sa Game 2. UAAP PHOTO
Mga laro ngayon:
(Smart Araneta Coliseum)
8 a.m. – FEU-D vs UST (Boys)
10 a.m. – UPIS vs DLSZ (Boys)
12 noon – UST vs NU (Women Finals)
4 p.m. – DLSU vs UP (Men Finals)
ANG University of the Philippines ay winless sa Game 2s ng UAAP men’s basketball Finals sa Final Four era, at natalo sa lahat ng tatlong laro nito.
Namumurong mabawi ang korona, umaasa ang Fighting Maroons na maitakas ang panalo sa pagkakataong ito.
Sumasakay sa tambak na 97-67 panalo laban sa La Salle, sisikapin ng UP na maiuwi ang korona sa 4 p.m. duel ngayong Linggo sa harap ng inaasahang full-house crowd sa Smart Araneta Coliseum.
Buhat nang simulan ang best-of-three Finals format noong 1994, ang nagwagi sa Game 1 ang siyang nananalo ng titulo 21 sa 28 beses.
Pumapabor ito sa Fighting Maroons, bukod sa determinasyon na wakasan ang kanilang Game 2 jinx.
Sa kabila nito ay pinaalalahanan ni graduating UP guard CJ Cansino ang kanyang tropa na manatiling nakapokus sa laro.
“Dahil naramdaman na rin namin matalo last season, kahit kaunting reminders na lang sa mga teammates ko. Pansin ko naman, lahat nagsasalita eh,” sabi ni Cansino.
“Lahat alam na hindi pa namin kailangan mag-celebrate, na kailangan pa namin magtrabaho,” dagdag pa niya.
Sisikapin naman ng Green Archers na makabawi sa Game 2 makaraang malasap ang most lopsided Finals defeat sa Final Four era.
Nangako si soon-to-be named MVP Kevin Quiambao na babawi makaraang malimitahan sa 11 points, 6 boards at 3 assists sa opener, malayo sa kanyang 16.7-point, 10.9-rebound at six-assist average.
“Ang mindset lang is yung lagi kong sinasabi na one game at a time. Focus muna kami sa Game 2, kailangan lang namin kung ano pa yung pwede namin i-improve and then yung i-cover up ‘yung mga things ‘yung mga pagkakamali namin,” ani Quiambao.
“This coming Game 2 expect niyo na ibang Kevin Quiambao yung lalaro,” dagdag pa niya.
Ang La Salle ay nagtala ng 18 turnover sa Game 1, kung saan napuna ni Quiambao na nahirapan ang kanyang tropa sa opensa.
“I think hindi lang kami nakapag execute nang maayos, and ayun nga, na out of system kami,” ani Quiambao.