V-DAY SA GINEBRA?

Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
5:45 p.m. – Ginebra vs Bay Area
Game 6, Ginebra abante sa serye, 3-2

TAPUSIN na kaya ng Barangay Ginebra ang serye at kunin ang korona sa PBA Commissioner’s Cup na huli nilang hinawakan noong 2018?

Mabibigyan ito ng kasagutan sa pagharap ng Gin Kings sa Bay Area Dragons sa Game 6 ng kanilang best-of-seven finals ngayong alas-5:45 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.

Kapag nagkataon, ang kampeonato ay magandang regalo kay Japeth Aguilar na magdiriwang ng kanyang ika-37 kaarawan sa January 25.

Tinalo ng Kings ang Dragons, na naglaro na wala si ace gunner Canadian NBA veteran 6-10 Andrew Nicholson na kasalukuyang nagpapagaling sa kanyang injury sa kaliwang paa na tinamo sa Game 4 na napagwagian ng Bay Area, sa Game 5, 101-91, upang kunin ang 3-2 bentahe sa serye at dumikit sa korona.

Tiyak na pipilitin ng Kings na kunin ang Game 6 at huwag nang umabot sa winner-take-all Game 7 ang serye.

Sa kabila na nasa kanila ang momentum sa panalo sa Game 5 ay ayaw pa ring magkumpiyansa si Ginebra coach Tim Cone.

Pinagsabihan at pinaalalahanan niya ang kanyang tropa na maglaro nang husto at maging matatag dahil tiyak na babalik at gaganti ang guest team upang ipilit ang do-or-die Game 7.

Ayaw ni Cone na malagay sa alanganing sitwasyon ang kanyang tropa, at ang kanilang misyon ay ang kunin ulit ang korona.

“Our championship rival is not an ordinary rival. They are strong capable of pulling the rugs from under the table. We have to prepare and courageously face and beat them like we did in Game 5,” sabi ni Cone.

“I reminded my players not to relax and play one more good game to finish the series and rest,” wika ni Cone, target ang ika-26 PBA crown magmula pa noong 1994.

Muling pangungunahan ni Justin Brownlee ang mainit na opensiba ng Ginebra katuwang sina LA Tenorio, Scottie Thompson, Japeth Aguilar, Christian Standhardinger at Stanley Pringle.

Nagbuhos si Brownlee ng 37 ponts at nag-ambag sina Pringle ng 20 points at Aguilar ng 12 sa panalo ng Ginebra sa Game 5.

CLYDE MARIANO