V-DAY SA MERALCO? First-ever PBA crown target ng Bolts

NATAKASAN ni Allein Maliksi ng Meralco ang depensa ng San Miguel players sa Game 5 ng kanilang PBA Philippine Cup finals noong Biyernes sa Araneta Coliseum. PBA PHOTO

Laro ngayon:
6:15 p.m. – San Miguel vs Ginebra

PUNTIRYA ng Meralco ang kauna-unahang PBA championship sa franchise history sa pagtatangka nitong tapusin ang San Miguel sa Philippine Cup finals ngayong Linggo sa Araneta Coliseum.

Umaasa ang Bolts na maibibigay sa organisasyon ang kauna-unahan nitong league title sa loob ng 14 taon sa 6:15 p.m.encounter.

Isang malaking fourth quarter ang naging tuntungan ng Bolts para makalayo sa Beermen, na-outscore ang kalaban, 23-18, upang kunin ang panalo at ang 3-2 lead sa best-of-seven series.

Ito ang unang pagkakataon na kinuha ng Meralco ang 3-2 kalamangan sa huling limang pagsabak sa finals.

Naitala ni Chris Newsome ang 17 sa kanyang 21 points sa second half, kabilang ang dalawang game-clinching free throws sa huling anim na segundo.

Pumutok din si Allein Maliksi sa opensa para sa Bolts sa pagkamada ng 21 points, habang bumawi si big man Raymond Almazan mula sa mediocre showing sa Game 4 sa pagtala ng 14 points.

Subalit pinakaba ng  San Miguel ang Meralco nang humabol mula sa 80-90 deficit at magbanta sa 87-90 sa huling 40 segundo kasunod ng corner three pointer ni CJ Perez.

May tsansa ang Beermen na makalapit pa ngunit na-split lamang ni Perez ang kanyang free throws sa huling pitong segundo, na nagbigay-daan sa pagbuslo ni Newsome ng dalawang foul shots para sa apat na puntos na kalamangan ng Bolts.

Isang step-back three ni Marcio Lassiter ang hindi pumasok na nagselyo sa kapalaran ng Beermen, na kailangan ngayong walisin ang huling dalawang laro para mapanatili ang titulo.

Sa pagkatalo ay nasayang ang monster game ni Best Player of the Conference June Mar Fajardo, na nagbuhos ng 38 points, 18 rebounds, at 2  blocked shots sa 14-of-17 shooting.

Si Perez ang isa pa sa  San Miguel player na nagtala ng  double figure na may 17 points, kabilang ang 4-of-16 mula sa field.

CLYDE MARIANO