V-DAY SA TROPANG GIGA?

Laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
Game 6, best-of-7 finals
5:45 p.m. – San Miguel vs TNT

SISIKAPIN ng Talk ‘N Text na tapusin na ang serye at mapanatili ang korona sa PBA Philippine Cup kontra San Miguel Beer sa Game 6 ngayon sa Smart Araneta Coliseum.

Nakatakda ang salpukan sa alas-5:45 ng hapon.

Tinalo ng Tropang Giga ang Beermen sa Game 5, 102-93, para kunin ang 3-2 bentahe at dumikit sa titulo.

Kung maglalaro ang TNT tulad sa Game 4 at 5 ay tiyak na mapananatili ng Tropang Giga ang korona sa Philippine Cup na una nilang napanalunan noong 2013 sa ilalim ni coach Norman Black.

“As much as possible we have to win this game to end the series and rest,” sabi ni coach Chot Reyes, target ang ika-9 na PBA title mula noong 1993.

Muling sasandal si Reyes sa kanyang mga gunner na sina Mikey Williams, Jayson Castro, Roger Pogoy, Kelly Williams at John Paul Erram.

Hataw si Mikey Williams ng 23 points, 5 assists at 4 rebounds, habang nag-ambag sina Kelly Williams ng 21 points, 9 rebounds, at 3 assists, Erram ng 17 points at Pogoy ng 14 points.

Nalimitahan ni K. Williams ang output ni June Mar Fajardo sa kanyang matinding depensa.

Sa dalawang sunod na talo, nalagay sa peligro ang ambisyon ng SMB na bawiin ang korona at tapusin ang dominasyon ng TNT.

Kinuha ng SMB ang Games 2 at 3 subalit nabigo ang Beermen na mapanatili ang kanilang magandang laro sa Games 4 at 5.

Batid ni coach Leo Austria na mahihirapan sila sa kanilang misyon na makuha ang korona.

“Winning the last two games of the series is very difficult. We have no choice but to fight to the very end. We have to play our best and pull our resources together to accomplish the tough task,” sabi ni Austria.

Muling aasa si Austria sa kanyang mga kamador na sina Fajardo, CJ Perez, Marcio Lassiter, Jericho Cruz, Chris Ross, Simon Enciso at Moala Tautuaa.

CLYDE MARIANO