V-DAY SA TROPANG GIGA?

Laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
5:45 p.m. – TNT vs Meralco
(Game 4, best-of-5 semis)

HAWAK ang 2-1 bentahe at nasa kanila ang momentum, tatangkain ng Talk ‘N Text na kunin ang huling final seat at harapin ang mortal na karibal na defending champion Barangay Ginebra sa best-of-seven title showdown, kontra Meralco sa Game 4 ng PBA Governors’ Cup best-of-five semifinals series ngayong Biyernes.

Nakatakda ang laro sa alas-5:45 ng hapon.

Tinalo ng TNT ang Meralco, 99-80, sa Game 3 noong Miyerkoles upang lumapit sa finals.

Kinuha ng Barangay Ginebra ang unang finals berth via 3-0 sweep sa San Miguel.

Kapwa gustong manalo ng dalawang magkatunggaling koponan na pag-aari ni Manny V. Pangilinan.

Determinado ang Tropang Giga na tapusin na ang serye para maipagpatuloy ang kanilang title campaign.

“We have to win this game at all cost. We will not give Meralco the opportunity and leeway to bounce back and forge a sudden-death Game 5,” sabi ni coach Jojo Lastimosa.

Sigurado namang gagawin ng tropa ni coach Norman Black ang lahat para manalo at maipuwersa ang deciding Game 5.

Muling magkakasubukan sina imports Rondae Hollis Jefferson at NBA veteran KJ McDaniel.

Nakahandang sumuporta kay Jefferson sina Roger Pogoy, Jayson Castro, Mikey Williams, Kib Montalbo, John Paul Erram, Dave Marcelo at Kelly Williams laban kina Chris Newsome, Alein Maliksi, Cliff Hodge, Aaron Black, John Kier Quinto at Raymond Almazan.

CLYDE MARIANO