Sisikapin ng College of Saint Benilde na manatiling nakadikit sa mga lider sa pagharap sa Mapua sa V-League Collegiate Conference ngayong Miyerkoles. V-LEAGUE PHOTO
MAKAKAHARAP ng reigning NCAA champion College of Saint Benilde ang Mapua, habang susubukan ng University of Perpetual Help System Dalta ang lakas ng NAASCU holders Enderun Colleges sa V-League Collegiate Challenge ngayon sa Paco Arena.
Target ng Lady Blazers ang ikatlong sunod na panalo upang manatiling nakadikit sa mga lider sa 10 a.m. duel sa Lady Cardinals.
Ang Far Eastern University at University of the East ay magkasalo sa top spot sa 5-0.
Umaasa ang Mapua na maiangat ang kanilang 1-2 record.
Sisikapin naman ng Lady Altas (2-2) na makabawi mula sa five-set setback sa Lady Warriors noong nakaraang Aug. 30 sa pagharap sa Lady Titans, na mayroon ding 1-2 marka sa alas-12 ng tanghali.
Samantala, napag-alamang nagtamo si UE’s prized recruit, Jelai Gajero, ng ACL tear sa kanyang kaliwang tuhod base sa resulta ng MRI tests at hindi na makapaglalaro sa kabuuan ng V-League.
Sa men’s play, makakabangga ng unbeaten Ateneo ang NCAA titlist Perpetual sa alas-4 ng hapon.
Magsasalpukan naman ang UAAP champions National University at La Salle, may magkatulad na 2-1 kartada, sa alas-2 ng hapon.