Mga laro ngayon:
(Paco Arena)
10 a.m. – UST vs
Benilde (Women)
12 p.m. – FEU vs
UE (Women)
3 p.m. – DLSU vs
FEU (Men)
5 p.m. – NU vs
Ateneo (Men)
HAHARAPIN ng University of Santo Tomas, determinado na mapanatili ang kanilang winning streak, ang reigning women’s champion College of Saint Benilde sa V-League Collegiate Challenge ngayong Linggo sa Paco Arena.
Target ng Golden Tigresses ang ika-4 na sunod na panalo sa pagsagupa sa Lady Blazers sa alas-10 ng umaga.
Ang UST ay nagwagi kontra Lyceum of the Philippines University, University of the East at Far Eastern University.
Gayunman ay nahaharap ang tropa ni coach Kungfu Reyes sa matinding hamon kontra Benilde, na bumawi na may dalawang sunod na panalo makaraan ang 0-2 simula sa conference.
Sa kabila ng mainit na simula ng Tigresses, binigyang-diin ni Reyes ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na improvement.
“Paunti-unti na nagkakaroon ng resulta kung ano pinaghihirapan ng players, pero need pa rin ng enhancement, enhancement, at enhancement,” sabi ni Reyes.
Sa iba pang women’s match sa alas-12 ng tanghali, makakaharap ng Letran ang unpredictable Lady Tamaraws, kung saan sisikapin ng Lady Knights na makabawi mula sa disappointing loss sa Lady Blazers sa kanilang huling laro.
Samantala, handa ang men’s holders La Salle sa matinding hamon kontra FEU sa kanilang showdown sa alas-3 ng hapon.
Ang Green Spikers ay unbeaten sa apat na laro, habang ang Tamaraws ay may 3-1 record.
“We’ll make sure ‘yung lapses na na-encounter namin sa last game ay mabago namin para at least, maihanda namin against FEU,” wika ni La Salle mentor Jose Roque.
Pakay naman ng kulang sa taong NU at Ateneo na makabawi sa 5 p.m. contest.
Sisikapin ng Bulldogs na putulin ang two-match skid kahit wala ang kanilang main gunners sa pangunguna ni Buds Buddin at si coach Dante Alinsunurin, habang tatangkain ng Blue Eagles na wakasan ang three-game losing streak.