V-LEAGUE: BUENA MANO SA LADY WARRIORS, LADY TAMS

volleyball

WINALIS ng University of the East ang Enderun Colleges, 25-16, 25-16, 25-20, sa pagsisimula ng V-League Collegiate Challenge kahapon sa Paco Arena.

Ipinarada ang reloaded roster sa pangunguna nina high school standouts Jelai Gajero, Casiey Dongallo at Kizzie Madriaga, nalusutan ng Lady Warriors ang ilang lapses sa laro upang mamayani laban sa Lady Titans.

“We are happy with the progression of the new kids. For me, it is a good progression that the new players will get used to playing in the big leagues,” wika ni bagong UE coach Jerry Yee.

Pinataob ng Far Eastern University ang Mapua, 25-13, 25-18, 25-15, sa isa pang women’s match.

Ang panalo ay nagbigay kay interim coach Manolo Refugia ng winning start para sa Lady Tamaraws, na nagtapos sa ika-5 puwesto sa UAAP noong nakaraang season.

“Happy naman ako sa mga girls kasi nakita yung past few months na tine-training namin although may mga small errors pa na kailangang trabahuhin,” ani Refugia, na pinalitan si dating coach at top setter Tina Salak, na nag-migrate na sa US.

Samantala, mainit na sinimulan ng UAAP holders National University ang kanilang men’s title defense makaraang walisin ang FEU, 25-22, 25-22, 25-19.

“Masaya naman kami sa naging result. Nakuha naman namin yung panalo in straight sets,” sabi ni Bulldogs coach Dante Alinsunurin. “Although nagkaroon kami ng problema sa game sa mga unforced errors namin.”

Nauna rito, nalusutan ng reigning NCAA champion University of Perpetual Help System Dalta ang pagkawala ni star spiker Louie Ramirez upang gapiin ang Emilio Aguinaldo College, 29-27, 26-24, 25-19.