V-LEAGUE: ELIMS WINALIS NG LADY TAMARAWS

Bumanat ng quick kill si Karyme Truz ng FEU laban kay Riza Nogales ng UE sa kanilang laro sa V-League Collegiate Conference kahapon. V-LEAGUE PHOTO

 

NALUSUTAN ng Far Eastern University ang first set loss upang pataubin ang University of the East, 16-25, 28-26, 25-13, 25-21, at makumpleto ang seven-match sweep sa V-League Collegiate Challenge eliminations kahapon sa Paco Arena.

“Siguro gumana ‘yung team chemistry namin. Nagkaintindihan kami sa gusto naming mangyari,” sabi ni interim coach Manalo Refugia makaraang ipalasap ng Lady Tamaraws sa Lady Warriors ang ikalawang kabiguan.

Sinamantala ng UE ang error-filled game ng FEU sa opening set bago bumangon ang Morayta-based side sa sumunod na tatlong sets upang mamayani sa one-hour, 56-minute contest.

“Siguro nandoon ‘yung gigil. Slow start. ‘Yung gigil talaga. Hindi na sila nagkakaintindihan. Siguro nakapag-reset lang at iyon, nakuha namin,” sabi ni Refugia.

Nanguna si Chenie Tagaod para sa Lady Tamaraws na may 16 points at 8 receptions, gumawa si Mitzi Panangin ng 3blocks para sa 13-point outing at nagdagdag si Jazlyn Ellarina ng 12 points, kabilang ang match-best three service aces.

Bukod sa paggawa ng 18 excellent sets, si Tin Ubaldo ay tumulong din sa pagdepensa sa net, naitala ang lima sa 11 blocks ng FEU.

Ang lahat ng 10 Lady Tamaraws rotation players na ipinasok ni Refugia ay umiskor.

Nagbuhos si Casiey Dongallo ng 25 points upang maging nag-iisang double-digit scorer ng UE.

Sa men’s play, winalis ng Ateneo ang defending champion National University, 25-23, 26-24, 25-9, upang umabante sa semifinals.

Makaraang malusutan ang close calls sa unang dalawang sets, nanalasa ang Blue Eagles sa third, kumarera sa 16-6 lead at hindi na lumingon pa upang tapusin ang kanilang preliminary round campaign na may 5-2 marka.

Napanatiling buhay ng FEU ang kanilang semis hopes nang pataubin ang Emilio Aguinaldo College, 25-21, 25-18, 25-21, upang tapusin ang elims na may 4-3 record, may dalawang playdates na lamang ang nalalabi.

Nanguna si Ken Batas sa atake ng Ateneo na may 17 points sa 14-of-25 attacks at nagpakawala ng dalawang fir service aces habang nagtala si Jian Salarzon ng 3 blocks para sa 14-point outing.

Nagbigay si James Licauco ng katatagan para sa Blue Eagles, sa paggawa ng 12 excellent sets.

“I was happy na kinapitan nila ‘yung (second set). Sumunod sila sa game plan namin na kailangan lang naming mag-serve ng maayos at ‘yung target, and everything else will follow,” sabi ni Ateneo coach Timmy Sto. Tomas.

“Tapos nakita ko naman ‘yung iba, lahat ng bola dinedepensahan na. So, with that, I was very happy,” dagdag pa niya.

Nakakolekta si Jade Disquitado ng 11 points sa 9-of-18 spikes at kumana ng 2 blocks habang nagdagdag si Mike Buddin ng 9 poinrs para sa Bulldogs, na nahulog sa 3-3.

Ang NU ay nahaharap sa ‘must-win situation’ laban sa also-ran San Beda side sa Linggo upang maisalba ang kanilang semis bid.