V-LEAGUE: GREEN SPIKERS HUMIRIT NG ‘DO-OR-DIE’ VS TAMARAWS

NIRESBAKAN ng La Salle ang FEU, 25-21, 25-19, 21-25, 25-20, upang mapanatiling buhay ang kanilang back-to-back title hopes sa Game 2 ng men’s Finals ng V-League Collegiate Conference kahapon sa Philsports Arena.

Nagbuhos si Chris Hernandez ng match-best 23 points, nakalikom ng 17-of-31 kills, 4 blocks, at 2 service aces, na sinamahan ng 19 receptions at 5 digs para sa Green Spikers.

Kuminang si Noel Kampton mula sa bench sa kanyang pinakaaabangang pagbabalik mula sa kanyang Alas Pilipinas duties upang tulungan ang La Salle na maipatas ang best-of-three series sa 1-1.

“Added reinforcement para sa team, and at the same time, kailangan niya pa mag-adjust kasi bumalik lang siya yesterday. Hoping na itong remaining two days maka-adjust siya,” ani Green Spikers coach Jose Roque.

Nag-ambag si Kampton, kababalik lamang mula sa training camp ng Alas Men sa Italy, ng 9 points.

Makaraang matalo sa unang dalawang sets, ang Tamaraws ay bumawi sa third subalit kinapos sa fourth kung saan nag-deliver sina Hernandez, Rui Ventura at Joshua Mangalaman ng key points sa huling bahagi ng laro.

Nanguna si Dryx Saavedra para sa FEU na may 18 points sa 16 attacks at 2 blocks, habang nagdagdag sina Lirick Mendoza at Talisayan ng 11 at 10 points, ayon sa pagkakasunod.