V-LEAGUE: GREEN SPIKERS WALANG DUNGIS

Mga laro sa Miyerkoles:
(Paco Arena)
12 p.m. – UE vs UP (Women)
3 p.m. – FEU vs NU (Men)
5 p.m. – EAC vs Letran (Men)

NAHILA ng defending men’s champion La Salle ang kanilang perfect run sa apat na laro sa V-League Collegiate Challenge, makaraang gapiin ang fabled rival Ateneo, 25-21, 31-29, 25-19, kahapon sa Paco Arena.

Nanguna si Rui Ventura para sa Green Spikers na may 16 points sa 14-of-19 attacks at 2 blocks, habang nagdagdag si Eugene Gloria ng 13 points sa 12-of-25 kills.

Siniguro ng University of Santo Tomas na hindi makapagtatala ang Unviersity of Perpetual Help System ng reverse sweep sa pagtarak ng 25-18, 25-22, 23-25, 23-25, 15-9 panalo.

Umiskor si Popoy Colinares ng 18 points, kabilang ang 5 blocks, para sa Golden Spikers na nasayang ang 2-0 set lead bago naitakas ang panalo.

Nalusutan ng Green Spikers ang 30 errors at napagtagumpatayan ang extended second set kung saan humataw si Ventura ng set-clinching kill.

Nahulog ang Blue Eagles sa 1-3.

Kinilala ni coach Jose Roque ang mga hamon na kinaharap
ng La Salle, at sinabing: “I’m sure prepared ‘yung Ateneo with us, pero ganoon pa man, may mga lapses kami na-encounter. Siguro, it’s more on kailangan talaga namin daanan yung ganong mga lapses eh.”

Makaraang umabot sa kalagitnaan ng preliminaries, binigyang-diin ni Roque ang kahalagahan ng pagiging focused hanggang sa huli para sa undefeated Green Spikers.

“May mga times kasi na super overwhelmed ang team, siguro I keep them reminded lang na kailangan hanggang hindi tapos yung set, tapusin niyo,” aniya.

Nagtala si Jian Salarzon ng 15 points at nakalikom ng 7 excellent receptions, habang nagdagdag si Ken Batas ng 9 kills para sa Blue Eagles, na natalo ng tatlong sunod matapos manalo sa kanilang opening match.

Nagposte rin sina Jay Rack de la Noche (16 points), Gboy de Vega (14 points) at Trevor Valera ng double digits para sa UST.

Nanguna si Kobe Tabuga para sa Perpetual na may 18 points, kabilang ang 2 blocks, at nakakolekta ng 5 digs habang nagdagdag si Jeff Marapoc ng 15 points at 14 receptions.