NANATILING nakadikit ang College of Saint Benilde sa mga lider, habang naibalik ng University of Perpetual Help System Dalta ang kanilang winning ways sa V-League Collegiate kahapon sa Paco Arena.
Magaan na dinispatsa ng Lady Blazers ang San Sebastian College-Recoletos, 25-14, 25-15, 25-18, para sa ikalawang sunod na panalo.
Nakabawi ang Lady Altas mula sa fourth-set setback at sa 2-6 deficit sa decider upang maitakas ang 20-25, 25-23, 25-20, 20-25, 15-9 decision kontra Lyceum of the Philippines University.
Kinuha ng Benilde, ang reigning NCAA champions, ang solo third place sa likod ng mga walang larong Far Eastern University at University of the East, na may magkatulad na 3-0 kartada.
Nasa ika-4 na puwesto ang Perpetual na may 2-1 marka.
Kinontrol nina Michelle Gamit at Zam Nolasco ang unahan, kung saan nagtala sila ng pinagsamang walo sa 12 blocks ng Lady Blazers.
Tumapos si Gamit na may 12 points sa 7-of-10 attacks habang nagtala si Nolasco ng 6-of-12 mula sa spikes para sa 10-point effort.
Naging starter si Jessa Dorog para sa Benilde at kumamada ng 9 points at 7 excellent receptions.
“Personally, I’m happy. May mga points akong binantayan and nasagot naman nila and they improved on. Actually, I’m very happy inside; I’m satisfied,” sabi ni Lady Blazers coach Jerry Yee.
Tumapos si Kat Santos na may 10 points para sa Lady Stags.
Naiposte ni Shai Omipon ang tatlo sa kanyang top-scoring 19 points sa 11-1 run ng Lady Altas habang nagdagdag si Charmaine Ocado ng 13 points para sa Las Piñas-based squad na bumawi mula sa pagkatalo sa Lady Tamaraws.
Sa men’s action, pinataob ng Ateneo ang Far Eastern University, 25-22, 25-23, 18-25, 23-25, 15-13, upang hilahin ang kanilang perfect run sa tatlong laro.