V-LEAGUE: LADY BLAZERS, LADY ALTAS SA SEMIS

DINISPATSA ng University of Perpetual Help System Dalta ang Mapua sa apat na sets, 16-25, 25-18, 25-18, 39-37, upang kunin ang huling Final Four berth sa V-League Collegiate Challenge kahapon sa Paco Arena.

Kinailangan ng Lady Altas ang 44 minuto upang pataubin ang Lady Cardinals, na naisalba ang ilang match points bago ibinigay nina Shai Omipon at Razel Aldea ang clincher.

“Masaya na maganda ‘yung performance nila sa last three sets. Nung first set, hindi ko alam ang nangyari. Maganda ‘yung adjustment in-game sinunod naman nila, pati adjustments mismo sa sarili nila,” sabi ni coach Sandy Rieta makaraang samahan ng Perpetual ang Far Eastern University, University of the East at College of Saint Benilde sa susunod na round.

Ginapi ng Lady Blazers ang dating walang talong Lady Warriors, 23-25, 25-22, 29-27, 25-18, upang umabante rin sa semifinals.

Tumapos si Omipon na may 25 points, kabilang ang tatlo sa kanyang 21 kills sa clutch na nagpanatili sa Lady Altas sa unahan sa extended fourth set. Nagdagdag din ang outside hitter ng 2 blocks at 2 aces.

Nagtala si Charmaine Ocado ng 13 markers, naiposte ni Aldea ang anim sa kanyang 10 points mula sa blocks habang gumawa si Perpetual setter Jhasmine Sapin ng 14 excellent sets.

Nanguna si Roxie Dela Cruz para sa Lady Cardinals na may 16 points, 11 digs at 6 receptions subalit hindi ito sapat para maisalba ang koponan sa pagkakasibak na may 1-4 kartada.

Samantala, nakapokus ang Benilde sa pagputol sa five-match winning run ng UE.

Nagpakawala si Gayle Pascual ng 23 points, kabilang ang clutch hits sa third, habang nag-ambag si Jade Gentapa ng 20 points para sa Lady Blazers na bumawi mula sa four-set loss sa streaking Lady Tamaraws noong Biyernes upang umangat sa 4-1 kartada.

“We prepared more on the mental side. Kundisyon naman yung katawan nila eh, so ‘yung mindset talaga,” sabi ni Benilde assistant coach Jay Chua.

Nalusutan din ng Lady Blazers ang muling pagputok ni Casiey Dongallo, na tumapos na may 32 points na sinamahan ng 8 digs. Nagdagdag si Khy Cepeda ng 15 points, kabilang ang 2 blocks, para sa Lady Warriors.

Sa men’s play, nalusutan ng Perpetual ang pagkatalo sa second set upang maitakas ang 25-20, 23-25, 25-17, 25-21 panalo kontra National University upang buhayin ang kanilang semifinal hopes na may 3-3 marka.

Nagbuhos si reigning NCAA MVP Louie Ramirez ng 30 points, tampok ang 28 kills, ang huli ay ang nagbigay ng panalo sa Altas.