V-LEAGUE: LADY BLAZERS, LADY PIRATES MAGSASALPUKAN

HAHARAPIN ng College of Saint Benilde ang Lyceum of the Philippines University sa NCAA women’s championship rematch sa V-League Collegiate Challenge ngayon sa Paco Arena.

Magsasalpukan ang Lady Blazers, nagwagi sa huling dalawang NCAA seasons, at ang Lady Pirates sa alas-4 ng hapon.

Apat na buwan na ang nakalilipas, winalis ng Benilde ang LPU sa Finals upang hilahin ang kanilang remarkable NCAA winning streak sa 29 matches.

Pangungunahan ni Gayle Pascual, ang NCAA Season 98 Finals MVP, ang kampanya ng Lady Blazers kasama sina Jade Gentapa, Michelle Gamit, Wielyn Estoque, Zam Nolasco at Cloanne Mondoñedo. Naglaro sila para sa Farm Fresh sa Premier Volleyball League Invitational Conference.

Gayunman, hindi dapat maliitin ang Lady Pirates sa torneo dahil dadalhin din ni reigning two-time NCAA Best Setter, Venice Puzon ang kanyang karanasan sa PLDT.

Sina Johna Dolorito, Joan Doguna at Jaja Tulang ang magiging main weapons ng LPU.

Sa iba pang women’s match, sasagupain ng Mary Rhose Dapol-led University of Perpetual Help System Dalta ang San Sebastian sa alas-2 ng hapon.

Sina Dapol, naglaro para sa PVL club Foton, at Shai Omipon ang magiging 1-2 punch ng Lady Altas, habang si Jhasmine Sapin ang magiging lead playmaker, Samantala, magsasagupa ang University of Santo Tomas at La Salle sa men’s division sa alas-10 ng umaga upang simulan ang quadruple-header.

Ang Golden Spikers ay pangungunahan ni UAAP Season 85 Rookie-MVP Josh Ybañez, habang si Noel Kampton ang tatrangko sa Green Spikers.

Sa isa pang NCAA Finals rematch, magtutuos ang Perpetual at San Beda sa alas-12 ng tanghali.