V-LEAGUE: LADY BLAZERS SA FINALS; LADY TAMS HUMIRIT NG ‘DO OR DIE’

DINISPATSA ng College of Saint Benilde ang University of the East sa straight sets, 25-21, 25-13, 25-10, upang umabante sa V-League Collegiate Challenge Finals sa kauna-unahang pagkakataon kahapon sa Paco Arena.

Tumapos si skipper Clo Mondoñedo na may 15 excellent sets at nag-ambag ng 5 blocks para sa Lady Blazers.

Maghihintay ang Benilde ng isa pang araw para malaman ang kanilang championship opponent makaraang rumesbak ang Far Eastern University sa University of Perpetual Help System Dalta, 23-25, 25-23, 25-17, 25-13, upang ipuwersa ang kanilang semifinals series sa sudden death.

“Good thing is we have an extra day off.

Yun ‘yung advantage namin sa (makakalaban namin sa Finals),” sabi ni Benilde coach Jerry Yee.

Umiskor si Gayle Pascual ng 13 points, kumana si Zam Nolasco ng 2 service aces para sa 12-point outing para sa Lady Blazers.

Nagtala si Michelle Gamit ng 10 points, kabilang ang 2 service aces at 2 blocks, habang nagposte si Jade Gentapa ng 10 points at nakakolekta ng 6 digs para sa Benilde.

Nalampasan na ng Lady Blazers, winalis ang Lady Warriors, 25-22, 25-13, 25-12, sa opener noong Miyerkoles, ang kanilang bronze-medal finish noong nakaraang season.

Nakalikom si Chenie Tagaod ng 25 points, kabilang ang 2 service aces, at 10 digs, habang nagdagdag si Keisha Bedonia ng 16 points at 13 receptions para sa Lady Tamaraws. Kumamada si FEU setter Tin Ubaldo ng match-best 6 blocks, bumanat ng 2 aces at gumawa ng 18 excellent sets habang nagtala si Mitzi Panangin ng 5 blocks para sa 14-point effort.

Sa men’s semis, nalusutan ng University of Santo Tomas ang paghahabol ng FEU sa fourth set upang maitarak ang 25-19, 25-22, 23-25, 25-23 panalo at umabante sa finals.