Mga laro sa Linggo:
(Philsports Arena)
10 a.m. – FEU vs UE (Women)
12 p.m. – Benilde vs UST (Women)
3 p.m. – UST vs DLSU (Men)
5 p.m. – NU vs FEU (Men)
WINALIS ng Far Eastern University ang University of the East, 25-21, 25-15, 25-20, sa opener ng kanilang best-of-three women’s semifinal series sa V-League Collegiate Challenge noong Miyerkoles ng gabi sa Philsports Arena.
Pinalakas ng pagbabalik ng kanilang ace spiker na si Casiey Dongallo, na nagbuhos ng 31 points sa 25-21, 24-26, 25-23, 22-25, 15-10 panalo ng Lady Warriors sa elimination round kontra Lady Tamaraws, ang Recto-based side ay may sapat na dahilan upang maging kumpiyansa sa Final Four.
Subalit hindi natinag ang FEU, na tumapos na runners-up sa College of Saint Benilde noong nakaraang season, at dinomina ang UE sa unang dalawang sets bago nalusutan ang maagang deficit sa third frame upang kunin ang set at itakas ang panalo.
“Mindset talaga namin na makuha itong game na ito. As in, parang kada training, binigay talaga namin yung best namin para makuha itong first game ng semis,” sabi ni team captain at setter Tin Ubaldo.
“Ang goal talaga namin is makarating sa Finals and naka-mindset kami na aayusin namin galaw namin hanggang pataas kami ng pataas,” dagdag pa niya.
Nanguna si Jaz Ellarina para sa Lady Tamaraws na may 13 points sa 10-of-23 kills habang nagdagdag si Chenie Tagaod ng 10 points at 8 receptions.
Naitala nina Congo’s Faida Bakanke at Ubaldo ang anim sa 10 blocks ng FEU.
Nagbida si Khy Cepada para sa UE na may 17 points, kabilang ang 2 service aces.
Dinispatsa ng unbeaten University of Santo Tomas ang Benilde, 25-20, 25-16, 25-13, sa semifinals opener.
Sisikapin ng Lady Tamaraws at Tigresses na maisaayos ang titular showdown sa Linggo sa parehong Pasig venue.