V-LEAGUE: LADY TAMS, LADY WARRIORS PERFECT PA RIN

Volleyball

KUMARERA ang Far Eastern University at University of the East sa ikatlong sunod na panalo makaraang walisin ang magkahiwalay na katunggali sa V-League Collegiate Challenge kahapon sa Paco Arena.

Naitala ng Lady Tamaraws ang 25-11, 25-10, 25-16 panalo kontra Enderun Colleges upang manatiling walang talo.

Hindi nagpahuli ang Lady Warriors sa kanilang U-Belt rivals nang pataubin ang San Sebastian, 25-14, 25-19, 25-14.

Natuwa si FEU interim head coach Manolo Refugia sa ipinakita ng kanyang tropa.

“Masaya ako kasi na-meet namin ‘yung objectives for this game – na ma-lessen ‘yung errors. Maganda naman ‘yung performance ng lahat,” aniya.

Nanguna si rookie Kiesha Bedonia para sa Lady Tamaraws na may 14 points, nagdagdag si Faida Bakanke ng 10 points, kabilang ang 2 blocks, habang nagpakawala si Chenie Tagaod ng 3 service aces upang tumapos na may 7 points.

Pinangunahan ni Erika Deloria ang opensa ng Lady Titans na may 6 points, habang nalimitahan ang best scorer ng koponan na si Althea Botor sa 2 points.

Nagbida si Casiey Dongallo para sa UE na may 18 points, kumana si Jelai Gajero ng 3 blocks para sa 16-point outing na sinamahan ng 6 digs habang nag-ambag si Riza Nogales ng 11 points, 5 mula sa blocks.

Nagtala si Zenith Depasoy ng 8 points para sa Lady Stags.

Nahulog ang Enderun sa 1-2, habang nalasap ng San Sebastian ang ikatlong sunod na kabiguan.