Nagbunyi si Tin Ubaldo ng FEU kasama sina Mitzi Panangin at Kiesha Bedonia makaraang makaiskor sa kanilang laro kontra CSB kahapon sa V-League Collegiate Challenge. V-LEAGUE PHOTO
NAGPAKITANG-GILAS si Congo’s Faida Bakanke nang ipalasap ng Far Eastern University sa College of Saint Benilde ang unang kabiguan nito sa V-League Collegiate Challenge, 25-23, 19-25, 25-16, 25-22, upang lumapit sa pagwalis sa preliminary round kahapon sa Paco Arena.
Nagpakawala si Bakanke, ang opposite hitter ng Lady Tamaraws, ng career-high 19 points sa 13-of-29 attacks at kumana ng match-best six service aces.
Nag-ambag sina Chenie Tagaod at Kiesha Bedonia ng 14 at13 points, ayon sa pagkakasunod. Magtatangka ang FEU sa sweep sa Miyerkoles laban sa fellow unbeaten team University of the East.
“Happy naman ako dahil sa mga adjustments na ginawa namin. ‘Yung adjustments na yun yung naglead sa amin para makuha namin ‘yung gusto namin sa sistema namin,” sabi ni Lady Tamaraws interim head
coach Manolo Refugia.
Pinangunahan ni Tin Ubaldo ang balanced attack ng FEU na may 19 excellent sets na sinamahan ng 9 points, kabilang ang 3 service aces.
Umiskor sina Gayle Pascual at Jade Gentapa ng tig-17 points para sa Lady Blazers, na nahulog sa 3-1.
Nauna rito ay nagwagi sa wakas ang Lyceum of the Philippines University matapos ang limang talo makaraang pataubin ang Enderun Colleges, 22-25, 25-20, 25-19, 24-26, 16-14.
Nanguna sa scoring si Jaja Tulang, na lumipat sa middle position sa second set hanggang matapos, para sa Lady Pirates na may 22 points sa 18-of-37 attacks at 4 blocks, nagpamalas si Johna Dolorito ng superb
all-around performance na 20 points, 15 digs at 9 receptions, habang nagdagdag si Joan Doguna ng 17 points para sa Lady Pirates.
“Sabi ko sa kanila imaximize namin ‘yung strength namin, yung advantage namin sa kalaban and minimize lang yung errors kasi sobrang dami talaga,” ani LPU coach Cromwel Garcia.
Umiskor sina Erika Deloria at Althea Botor ng 22 at 21 points, ayon sa pagkakasunod, para sa Lady Titans, na nalasap ang ikatlong sunod na kabiguan upang bumagsak sa 1-4 overall. Sa men’s action, bumanat si JM Ronquillo ng 16 kills nang gapiin ng La Salle ang Emilio Aguinaldo College, 25-19, 26-24, 25-18, para putulin ang two-match slide.