V-LEAGUE: LADY WARRIORS, LADY TAMS NAKADALAWA NA

Volleyball

NAKOPO ng University of the East at Far Eastern University ang ikalawang sunod na panalo makaraang pataubin ang kanilang NCAA counterparts sa V-League Collegiate Challenge kahapon sa Paco Arena.

Nagbuhos si Jelai Gajero ng 23 points habang nagdagdag si Riza Nogales ng 14 points para sa youth-laden Lady Warriors na nalusutan ang pagkatalo sa third set upang gapiin ang Mapua, 25-17, 25-18, 21-25, 25-16.

“That’s very important to know. New girls and new system,” sabi ni Dr. Obet Vital, na bahagi ng coaching staff ni bagong UE mentor Jerry Yee. “So when we first started just a little over a month ago, we started working with all the girls as one. Working with the fundamentals, the basics and the mechanics.”

“The girls really adapted. I’m proud that in the past couple of weeks, we started to build chemistry and it is showing on the court,” dagdag pa niya.

“We had a little hiccup in the third set. We gonna do some reviews for that particular. But we will do better on work on those things.”

Samantala, nalusutan ng Lady Tamaraws ang kanilang offensive miscues upang biguin ang University of Perpetual Help System Dalta, 28-26, 17-25, 25-17, 25-13, at manatiling walang talo.

Nagtala ang FEU ng 19 blocks kung saan nagposte sina Chenie Tagaod, Mitzi Panangin at Jazlyn Ellarina ng pinagsamang 10.

Nanalasa rin si Tagaod sa attack na may 12 kills para sa 16-point output habang kumana si Panangin ng 8 kills para sa 12-point showing.

Tumapos si Ellarina, dating National University mainstay, na may 9 points, kabilang ang 2 blocks.

“Na-test ‘yung team chemistry namin kasi nag-ikot kami ng mga tao. Ang maganda, may nabuo kami sa game at naging ready yung mga players, kaya naging maganda laro namin,” sabi ni interim coach Manolo Refugia, na ang Lady Tamaraws ay nagbigay ng 39 errors.

Nakalikom si Raisa Ricablanca ng 19 points habang gumawa si Nicole Ong ng 2 blocks para sa nine-point effort para sa Lady Cardinals, na natalo sa ikalawang pagkakataon sa siyam na laro.

Nagtala sinMary Rhose Dapol ng 12 points, 6 digs at 6 receptions habang nagpamalas si Tracy Andal put ng 18-excellent dig performance para sa Lady Altas, na nahulog sa 1-1.