Si setter Tin Ubaldo ang vocal leader ng FEU sa V-League Collegiate Challenge. V-LEAGUE PHOTO
PUNTIRYA ng Far Eastern University ang seven-match sweep habang sisikapin ng University of the East na sumalo sa liderato sa salpukan ng U-Belt rivals sa pagtatapos ng kanilang preliminary round assignments sa V-League Collegiate Challenge ngayon sa Paco Arena.
Hindi pa kuntento ang Lady Tamaraws sa kabila ng kanilang perfect record papasok sa 2 p.m. showdown sa Lady Warriors.
“Siguro maging consistent pa kami sa ginagawa namin. Nandoon ‘yung kailangang trabahuin. Kitang-kita pa,” sabi ni interim coach Manolo Refugia makaraang mamigay ang FEU ng 29 points mula sa errors sa 25-23, 19-25, 25-16, 25-22 panalo sa College of Saint Benilde noong nakaraang Biyernes.
Sa kasalukuyan ay nagde-deliver si Tin Ubaldo para sa Lady Tamaraws sa torneo na siyang hinahanap sa kanya ni Refugia.
“Ang role talaga ng setter kasi is siya ‘yung equalizer. Malaking bagay sa kanya ‘yung pagiging vocal,” pahayag ni Refugia patungkol kay Ubaldo.
Samantala, sisikapin ng UE na maibalik ang kanilang winning form.
Ipinalasap ng Lady Blazers sa Lady Warriors ang kanilang unang kabiguan sa season kasunod ng 23-25, 25-22, 29-27, 25-18 panalo noong nakaraang Linggo upang mahulog ang Recto-based spikers sa 5-1 kartada.
Sa pagkaka-sideline ni Jelai Gajero dahil sa knee injury, sina Casiey Dongallo at Khy Cepada ang namumuno sa opensiba ng UE.
Maghaharap ang also-ran squads Mapua University at Enderun Colleges sa alas-4 ng hapon.
Sa men’s play, magsasalpukan ang FEU at Emilio Aguinaldo College sa alas-10 ng umaga habang maghaharap ang National University at Ateneo sa alas-12 ng tanghali.