V-LEAGUE: WALANG DUNGIS NA MARKA NAPANATILI NG LADY BLAZERS

Nagdiwang si Cloanne Mondoñedo ng College of Saint Benilde makaraang makaiskor sa kanilang laro kontra Mapua sa V-League Collegiate Challenge kahapon. V-LEAGUE PHOTO

 

WINALIS ng College of Saint Benilde ang Mapua, 25-16, 25-22, 25-20, upang manatiling walang talo sa V-League Collegiate Challenge kahapon sa Paco Arena.

Nagtala si Cloanne Mondoñedo ng 12 excellent sets para sa Lady Blazers na nahila ang kanilang perfect run sa tatlong laro.

Sa panalo ay nanatiling nakadikit ang Benilde sa co-leaders University of the East at Far Eastern University.

Kumana si Gayle Pascual ng 9-of-17 attacks at 5 blocks upang tumapos na may 14 points at nakakolekta ng 5 digs para sa Lady Blazers. Napantayan ni Zam Nolasco ang 5 blocks ni Pascual at naging isa pa sa double-digit scorer ng Benilde na may 13 points.

“Slow start na naman kami. Ayaw lang din namin na marami kaming errors, pero so far so good naman yung laro,” sabi ni Lady Blazers assistant coach Jay Chua.

“Nakapag-focus talaga at sana magtuloy-tuloy ang magandang performance ng mga bata.”

Nanguna si Roxie dela Cruz para sa Lady Cardinals na may 10 points, kabilang ang 4 service aces.

Kumamada si Mary Rhose Dapol ng 26 points, kabilang ang 4 blocks, at nalusutan ng University of Perpetual Help System Dalta ang opening set loss upang pataubin ang Enderun Colleges, 25-27, 25-14, 25-22, 25-19, at maiposte ang ikatlong panalo sa limang laro.

Nagtala si Razel Aldea ng 2 blocks para sa 13-point outing, tumapos si Shai Omipon na may 12 points at 8 digs habang gumawa si Jhasmin Sapin ng 12 excellent sets para sa Lady Altas.

Sa huling dalawang semis seats na nakataya, binigyang-diin ni Perpetual coach Sandy Rieta ang pangangailangan na kumayod nang husto ang kanyang tropa, at sinabing, “Pag-aaralan namin ‘yung next game muna, ‘yung strategy kung paano manalo every game.”

Nanguna si Erika Deloria para sa Lady Titans na may 20 points, 7 receptions at 6 digs habang nag-ambag si Althea Botor ng 12 points at 7 digs.

Kapwa nahulog ang Mapua at Enderun sa 1-3 kartada.

Sa men’s division, dinispatsa ng UAAP holders National University ang La Salle, 19-25, 23-25, 25-15, 25-22, 15-11, para sa kanilang ikatlong panalo sa apat na laro.

Nagbuhos si Mike Buddin ng 26 points, kabilang ang 2 service aces, at 12 receptions para sa Bulldogs habang nagdagdag si Leo Aringo ng 23 points at 9 receptions. Tumirada si JM Ronquillo ng 29 points at 7 digs habang nag-ambag si Noel Kampton ng 3 blocks para sa 19-point effort na sinamahan ng 11 receptions para sa Green Spikers.

Bumagsak ang La Salle sa 2-2 kartada.