NAGPAHAYAG ng pagkabahala ang Department of Health (DOH) at ilang medical experts sa pagbulusok ng pagbabakuna sa Filipinas dahil sa COVID-19 at nanawagang ipagpatuloy ang immunization laluna ng mga bata dahil hindi kakayanin ng bansa ang pagputok ng isang outbreak sa gitna ng pandemya.
Sinabi ni DOH National Immunization Program manager Dr. Maria Wilda Silva na mula Enero hanggang Marso ng taong ito, bumagsak sa 7 porsiyento lamang ang nabakunahan, pinakamababa sa loob ng mahabang panahon. Napakalayo, aniya, nito sa target na 95% sa pagtatapos ng 2020.
Sa virtual kapihan ng Samahang Plaridel kamakailan, namuno si Silva sa panawagan para sa masigasig na pagpapatuloy ng immunization program sa bansa.
Ang panawagang ito ay alinsunod din sa mga nauna nang pahayag ng World Health Organization (WHO) at UNICEF na parehong nagbigay-diin sa kahalagahan ng patuloy na pagbabakuna.
“Napaka-importante na ang mga bata ay mabakunahan. Nasa panganib silang dapuan ng tigdas, polio, pneumonia at ng iba pang sakit kung hindi sila protektado ng bakuna, “ pahayag naman ni Dr. Lulu Bravo, Executive Director ng Philippine Foundation for Vaccination.
Ibinahagi ni Silva na isa sa mga sakit na maaari namang maagapan ng bakuna ay ang child pneumonia na nananatili umanong number one killer disease sa mga batang 5-taong gulang pababa. Ang pagbili ng child pneumococcal vaccine ay nakabimbin ngayon habang hindi pa tapos ang ginagawang pagsusuri ng Health Technology Assessment Council (HTAC) sa pagitan ng dalawang bakuna—ang PCV 10 at PCV 13.
Sinusuri ang dalawang bakuna batay sa bisa at cost-effectiveness.
Nang tanungin kaugnay sa bagong ebidensiya na inilabas ng WHO na nagsasabing magkatulad ng bisa ang dalawang bakuna sa pagbibigay proteksiyon sa mga bata laban sa pneumonia, sinabi ni Silva na sa paunang pagsusuri ay nakita naman sa cost effectiveness analysis na parehong cost effective ang dalawang bakuna.
Dahil sa bagong ebidensiyang ibinigay ng WHO, sinabi ni Silva na tinalakay itong muli ng National Immunization Committee at pagkaraan ay inilatag na sa HTAC para sa muling pagrepaso na inaasahang matatapos sa Hunyo.
Ang budget para sa pagbili ng PCV ay mas malaki pa kaysa sa budget ng kontrobersiyal na Dengvaxia.
“Sa kasalukuyan, iisa lamang ang PCV sa merkado (PCV 13) at napakamahal nito. Mahigit sa 60% ng budget ng national immunization program ay napupunta sa bakunang ito. Mahal talaga kapag isang produkto lang ang nasa merkado,” dagdag pa ni Silva.
Sa kanyang panig naman, sinabi ni Dr. Mary Ann Bunyi, presidente ng Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines (PIDSP), na ang COVID-19 ay may “armas” para salakayin ang mga vulnerable na sektor subalit lahat umano ng mga sakit ay mayroon ding kanya-kanyang “armas” kaya napakahalaga umano ng pagbabakuna para sa mga bata.
“Sa ngayon, mayroon na tayong mabisang bala para sa tigdas, polio, tusperina, flu, pulmonya, pagtatae at iba pang mga sakit. So, labanan natin at sugpuin natin ito upang mapanatili nating malusog ang ating mga bata. Sama-sama, tulong-tulong tayong ihayag sa mga magulang kung gaano kahalaga ang magpabakuna,” ani Bunyi.
Comments are closed.