VACCINATION CARDS NG PATEROS ‘TAMPER-PROOF’

INIHAYAG ng munisipal na pamahalaan ng Pateros na mamamahagi sila ng isang tamper-proof vaccination certificates o cards sa mga residente ng ba­yan na tumanggap na ng kanilang ikalawang dose ng bakuna na masasabing kumpletong bakunado sa lungsod.

Ipinakita ni Pateros Municipal Mayor Miguel Ponce III ang vaccination certificate na mayroong QR code na magiging unique sa bawat kumpletong bakunadong residente ng bayan.

Matapos matanggap ng isang indibidwal ang kanyang ikalawang dose ng bakuna, kailangan ng mga ito na magpadala ng importanteng personal na impormasyon sa email address na naka-display sa vaccination site bago makatatanggap ng email kung saan makikita ang kanilang vaccination certificate.

“Kailangan lamang na i-print ang vaccination certificate at i-laminate din ito. Magagamit mo na ito kahit saan,” anang alkalde.

Aniya, na sa QR code ang vaccination certificate at hindi mapepeke. Sa QR code malalaman ang brand ng vaccine na ginamit gayundin ang petsa kung kailan naiturok sa isang indibiduwal ang una at ikalawang dose ng bakuna.

Ayon sa report noong Hulyo 14, ang munisipal na pamahalaan ng Pateros ay nakapagbigay na ng unang dose ng bakuna sa 36,955 indibiduwal o 75.4 porsiyento ng kanilang target population na 49,000, ang pinakamaliit sa National Capital Region (NCR).

Ang mga fully vaccina­ted o naturukan ng ikalawang dose ng bakuna naman sa naturang bayan ay mayroon nang 15,086 indibidwal o katumbas ng 30.8 porsiyento ng target population sa Pateros. MARIVIC FERNANDEZ

7 thoughts on “VACCINATION CARDS NG PATEROS ‘TAMPER-PROOF’”

Comments are closed.