VACCINATION DRIVE DINALA SA SIMBAHAN

INILUNSAD ng lokal na pamahalaan ng Makati ang pagkakaloob ng COVID-19 vaccine sa mga simbahan upang mas lalo pang mapadali para sa mga residente ng lungsod ang pagtuturok ng bakuna sa kanila.

Sinabi ni Makati City Mayor Abby Binay na naging matagumpay ang paglulunsad ng lokal na pamahalaan sa baksinasyon bunsod ng pakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang Parokya ng simbahan sa lungsod.

Ayon kay Binay, sinimulan ang vaccination drive ng lokal na pamahalaan nitong Agosto 14 sa St. Joseph the Worker Parish kung saan napagkalooban ang parokyano ng simbahan ng kanilang bakuna laban sa COVID-19.

Muling nagsagawa ng vaccination drive nitong Huwebes sa Our Lady of Fatima Parish Church na matatagpuan sa Capinpin St., Bangkal, Makati City na nagsimula ng alas 10 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali kung saan napagkalooban ng bakuna ang mga parokyanong residente sa lugar.

Masusundan pa ng lokal na pamahalaan ang vaccination drive ngayong Sabado na gaganapin naman sa San Jose Chapel, Sampaguita St., Guadalupe Nuevo simula ng alas- 10 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali.

Gayundin, nauna nang nagsagawa ang Shrine of Jesus, the Way, the Truth and the Life sa Pasay City ng vaccination drive sa pamumuno ni Shrine Rector Rev. Monsignor Roberto Canlas sa pakikipagtulungan ng opisyal ng Barangay 76 ng nasabing lungsod. MARIVIC FERNANDEZ