VACCINATION NG MEASLES, RUBELLA AT POLIO PALALAWIGIN

NAGPASYA ang Department of Health (DOH) na palawigin pa ang phase 2 ng vaccination drive ng pamahalaan laban sa measles, rubella, at polio hanggang sa Marso 7 upang mabakunahan ang 95% ng kanilang target na populasyon.

Ang naturang immunization program ay nakatakda sanang magtapos noong Pebrero 28 ngunit nagpasya ang DOH na palawigin pa ito ng isa pang linggo  dahil marami pang bata ang hindi pa rin nababakunahan.

Batay sa ulat ng DOH, nabatid na hanggang nitong Marso 1, nasa 83.7 porsiyento o 4,269,423 paslit ang nabakunahan nila laban sa measles at rubella habang 82.4 porsiyento naman o 3,939,677 ng national target ang nabakunahan laban sa polio.

Ang Central Luzon ang rehiyon na may highest coverage ng vaccination campaign matapos na mabakunahan ang kabuuang 881,789 paslit na nagkaka-edad ng siyam hanggang 59 buwang gulang o 91.1 porsiyento ng target ang nabakunahan laban sa measles at rubella habang 1,026,404 o 90.6 porsiyento ng mga batang nasa hanggang 59-buwang gulang ang nabakunahan laban sa polio.

Sa Metro Manila, nasa 873,532 bata o 85.7 porsiyento ang nakatanggap ng measles at rubella vaccines habang sa Calabarzon, nasa 1,031,342 o 79.2 porsiyento ng total coverage ang naturukan ng measles at rubella, habang 1,205,345 o 79.1 porsiyento naman laban sa polio.

Anang DOH, 87.7 porsiyento o 579,319 bata ang nabakunahan laban sa measles at rubella sa Bicol region, 78.5 porsiyento o 544,047 sa Central Visayas, at 78.3 porsiyento o 359,394 sa Eastern Visayas.

Sa Western Visayas naman, 85.7 porsiyento o 660,354 ang nabigyan ng polio vaccine, 78 porsiyento o 363,508 sa Central Visayas, habang 76.7 porsiyento o 411,066 mula sa iba pang rehiyon.

Sinabi ng DOH na mahigit sa 800,000 paslit pa ang hindi pa nakakatanggap ng bakuna sa kanilang mga targeted regions.

Kaugnay nito, muli namang hinikayat ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga magulang at mga legal guardians na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa polio at tigdas.

“To our parents and guardians, let us retain our confidence in vaccines and put our trust in science. These vaccines are proven safe and effective. Let us protect our children and not deny them the opportunity to grow into healthy individuals, free from vaccine-preventable illnesses,” anang kalihim sa isang payahag.

Umapela rin siya sa mga lokal na pamahalaan na patuloy na suportahan ang kanilang kampanya sa bakuna.

“Millions of children are saved every year from these diseases through vaccination. Thus, we call on our local government units to continue strengthening our vaccination programs and ensure maximum coverage under the MR-OPV SIA (Measles Rubella and Oral Polio Vaccine Supplemental Immunization Activity),” aniya pa. ANA ROSARIO  HERNANDEZ

Comments are closed.