HIGIT pang paigtingin ni Manila Mayor Honey Lacuna ang bakunahan sa kabisera ng bansa lalo na sa panahong boluntaryo na ang pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong lugar.
Pinaalalahanan ng alkalde ang mga Manileño na sa pag-amiyenda sa mandato ng pagsusuot ng face mask, ang pinakamabisang proteksyon sa ngayon ay maging fully vaccinated at pagpapaturok ng booster.
“Lagi nating tatandaan… dahil walang mask, ang best protection ay pagiging fully vaccinated at booster bilang pinakamabisang panlaban sa COVID-19,” ayon sa alkalde.
Iginiit ni Lacuna na ang pagsusuot ng face mask sa mga closed area ay nanatiling mandatory.
“Sa mga lugar na kahit open pero sa tingin natin siksikan lalo na parating ang Kapaskuhan, ka kahit open space, ang suggestion ko, kung may pangamba kayo, magsuot pa rin ng face mask, kasi voluntary lang naman ang di pagsusuot,” pahayag pa nito.
Partikular na binanggit ni Lacuna ang inaasahang sitwasyon ng mga tao sa Divisoria at Recto lalo na sa nalalapit na Kapaskuhan.
“Yan ang kagandahan ng kumpleto ang bakuna…para free na kayong gawin ‘yung mga dati na ninyong ginagawa lalo na at parating ang Kapaskuhan,” dagdag ng alkalde.
Nabatid na ang kabuuang bilang ng fully vaccinated sa Maynila ay umabot na ng 1,637,191 kung saan mahigit 3.5 million bakuna na ang naipamigay hanggang sa kasalukuyan.
Nabatid na ang mga bakunang ginagamit sa ngayon ay Sinovac, Pfizer at Astrazeneca.
VERLIN RUIZ