HINIMOK ni dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang local government units (LGUs) na dagdagan ang bilang ng vaccination sites at magkaloob ng incentives upang mahikayat ang mga nagdadalawang isip na magpabakuna.
Ang panawagan ni Marcos ay sa gitna ng mga ulat na may mga senior citizens sa kanayunan ang nagdududa sa bakuna.
“Talagang problema pa rin natin ang vaccine hesitancy lalo na sa mga nakatatanda at sa mga liblib na kanayunan ito ay ayon na rin sa National Task Force na napansin na mas mababa ang nagpapabakuna kaysa sa kanilang projections,” pahayag ni Marcos.
Sinabi pa nito na dapat ay magsagawa ng maigting na information campaign ang gobyerno sa social media platforms kaugnay sa benepisyo ng pagiging fully vaccinated at ang proteksiyon nito sa kanilang pamilya.
“Dapat ay paigtingin ang information campaign ng pamahalaan at bigyang diin ang benepisyo ng kumpleto ang bakuna gaya ng mas malayang pagkilos sa kanilang mga komunidad at siyempre ang proteksiyon ng pamilya mula sa Covid19,” dagdag ni Marcos.
Hinimok pa ni Marcos ang LGUs na ilapit ang vaccination sites sa mga tao lalo na sa liblib na lugar kung saan mahirap ang sasakyan.
“Kailangang pagsumikapan ng mga LGUs na mailapit ang vaccination rollout lalo na sa mga nakatira sa kanayunan o mga liblib na lugar.
“Medyo mahirap ang transportasyon at hindi rin biro ang distansiya na kailangang lakbayin ng ilan makarating lang sa mga vaccination sites,” ayon pa rito.
Isa pa aniyang dahilan kung bakit bantulot ang iba na magpabakuna sa mga probinsiya ay dahil sa takot na mawalan sila ng kita dahil kailangan nilang um-absent sa trabaho para rito.
Hinimok ni Marcos ang LGUs na magkaloob ng financial incentives sa mga hindi pa bakunado at kausapin ang mga employer upang ipaliwanag na ang pagiging bakunado ay ikinokonsiderang dagdag na benepisyo o isang paid holiday para sa mga empleyado.
“Unawain natin na may mga kababayan tayong talagang hirap sa buhay at ang pagliban sa trabaho para magpabakuna ay may malaking epekto sa kanila. Maglaan dapat ang pamahalaan ng tulong pinansiyal at pakiusapan ang kanilang mga pinagtatrabahuhan na payagan silang magpabakuna nang hindi mabawasan ang kanilang suweldo.”
Binigyang diin ni Marcos na ang pagtugon sa pangangailangan ng mga bantulot na magpabakuna ay magpapabago sa kanilang pananaw sa vaccination at tiyak na makatutulong upang mabilis na makamit ng bansa ang herd immunity.
“Kung ito ang gagawin, sa tingin ko magbabago ang pananaw ng mga tao sa pagpapabakuna at mas mapapabilis natin maaabot ang herd immunity na ating inaasam,” dagdag pa ni Marcos.
Comments are closed.