VACCINATION SA PINAS ARANGKADA NA (UP-PGH Director, unang nabakunahan)

UMARANGKADA na ang COVID-19 vaccination program ng pamahalaan at si University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) director Dr. Gerardo ‘Gap’ Legaspi ang naging ‘first official recipient’ ng bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Filipinas.

Nabatid na tinanggap ni Legaspi ang shot ng CoronaVac, na ginawa ng Chinese firm na Sinovac Biotech, sa isang symbolic vaccination ceremony na ginanap sa UP-PGH grounds Lunes ng umaga, at dinaluhan din ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan.

Si Nurse Chareluck Santos naman ang naatasang magturok ng bakuna kay Legaspi.

“Si Dr. Legaspi ang nanguna sa atin sa laban na ito kaya karapat-dapat lang na siya ang unang tumanggap ng ating bakuna,” ayon kay Dr. Jonas Del Rosario, tagapagsalita ng PGH.

“Kayong dalawa ay nasa kasaysayan na ng COVID-19,” aniya pa, na ang tinutukoy ay sina Legaspi at Santos.

Bukod sa PGH, nagsagawa rin ng kahalintulad na symbolic vaccinations sa iba’t ibang pagamutan ang pamahalaan, upang palakasin ang tiwala ng mga mamamayan sa vaccination program laban sa COVID-19.

Kabilang din sa mga opisyal ng pamahalaan na nakatanggap ng Sinovac shot laban sa COVID-19 ay sina Food and Drug Administration (FDA) chief Eric Domingo at testing czar Secretary Vince Dizon.

Si Domingo ay binakunahan rin sa PGH, kasunod ni Legaspi, habang si Dizon ay nakatanggap ng bakuna sa Tala Hospital o Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium sa Caloocan City.

Sa ilalim ng vaccination priority list ng pamahalaan, ang healthcare workers ang unang babakunahan, gayundin ang mga senior citizen, mga taong may comorbidities at mga uniformed personnel.

Matatandaang Linggo ng hapon nang dumating sa bansa ang may 600,000 Sinovac doses na donasyon ng Chinese government sa bansa habang hindi naman natuloy ang nakatakda sanang pagdating sa bansa nitong Lunes ng AstraZeneca vaccine.

Bukod sa PGH at Tala Hospital, ilan pa sa priority hospitals para sa vaccination ay ang Lung Center of the Philippines, Veterans Memorial Medical Center, PNP General Hospital, Pasig City General Hospital, at V. Luna Medical Center. Ana Rosario Hernandez

Comments are closed.