NASAKSIHAN natin noong nakaraang taon ang benepisyo ng bakuna laban sa COVID-19 matapos mabakunahan ang ilang milyong Pilipino. Kung hindi lamang sa vaccine-resistant at highly transmissible na Omicron variant marahil ay nasa proseso na tayo ng post-pandemic recovery.
Sa kasalukuyan, nasa 123 milyong dosage na ng bakuna ang naipamahagi ng pamahalaan samantalang ang bilang ng fully vaccinated naman ay nasa 57.3 milyon o 52.3 porsiyento na ng ating populasyon.
Isa itong maituturing na welcome development sapagkat sa wakas ay dumarami na ang mga Pilipino na nagiging kampante sa pagtanggap ng bakuna laban sa makamandag na virus.
Sa katunayan, sa isang pag-aaral ng Social Weather Station, isang taon mula nang ilunsad ng pamahalaan ang programa sa pagbabakuna ay bumaba na sa walong porsiyento mula sa dating 33 porsiyento ang mga bilang ng “anti-vaxxer.” Ito ay bunsod ng pagtutulungan ng publiko at mga pribadong organisasyon sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na information at education campaign, pati na rin ang pamamahagi ng mga insentibo para sa mga bakunado.
Ayon sa SWS survey, ang takot na mahawaan at ang mga maaaring panganib na dala ng COVID-19 sa kanilang buhay ang nag-udyok sa mga Pilipinong magpabakuna na sa wakas.
Samantala, bumaba na rin sa anim na porsiyento ang bilang ng mga tao na hanggang ngayon ay nagdadalawang-isip pa ring tumanggap ng bakuna.
Kung ating titingnan, marahil ay isang malaking balita ang patuloy na pagbaba ng mga bilang ng vaccine hesitant ngunit napakalaki pa ring bilang nito ng ating populasyon. Lalo pa at ayon sa mga eksperto, habang bumababa ang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila ay kabaligtaran naman ito ng nangyayari sa mga probinsya.
Kaya naman kinakailangan pa rin ng pamahalaan na gumawa ng mas marami pang paraan upang malabanan ang vaccine hesitancy, ngayon pa at kaliwa’t kanan na ang ating nababasang mga pekeng impormasyon na ikinakalat ng mga anti-vaxxer upang patuloy na pigilan ang mga hindi pa bakunado.
Kaya naman patuloy kong uulitin na ang pagbaba ng kalubhaan ng kaso ng COVID-19 sa kasalukuyan ay ating ipagpasalamat sa mga bakuna.
Maaaring hindi tayo magiging COVID-free sa oras na tinanggap natin ang ating mga bakuna, ngunit mas pinaliliit nito ang porsyento ng panganib sa ating buhay. Wika nga, mas mabuti nang maging “ilang porsyentong protektado” kaysa naman mailagay ang ating buhay sa panganib.
Huwag na natin hintayin pang may mangyaring masama sa atin o sa ating mga minamahal sa buhay. Kung hindi tayo magpapabakuna, mas lalo nating inilalagay ang ating mga mahal sa buhay sa kapahamakan.
Bukod dito, ang pagpapabakuna natin ay atin na ring ambag sa pagbangon ng ating bansa mula sa pandemya pati na rin para sa ating ekonomiya. At kung malago ang ating ekonomiya, mas malago rin ang ating pamumuhay.
Huwag nating ipagkait sa bawat isa na mamuhay nang normal. Karapatan nating lahat ang mas maayos, at mas maunlad na pamumuhay.