VACCINE ISSUE PINASISILIP KAY PRRD

Rep Nina Taduran-2

NANAWAGAN si ACT-CIS partylist Rep. Nina Taduran kay Pangulong Rodrigo Duterte na silipin ang posibleng monopolyo sa child pneumococcal vaccines kasabay ng pagbibigay-diin sa kanyang paniniwala na dapat magkaroon ng open, competitive at public bidding para rito.

“Ang general rule, dapat ay public bidding maliban na lamang kung may compelling reason para gawin ang ibang pamamaraan ng procurement,” ani Taduran.

“Kung walang balidong dahilan upang limitahan sa isang kompanya lamang ang pagbili ng bakuna, dapat sigurong mamagitan ang Pangulo,” aniya.

“Ang aking matibay na paninindigan ay doon tayo sa kung anuman ang ligtas, legal at ekonomikal para sa taumbayan,” dagdag pa niya.

Ginawa ni Taduran ang pahayag kasunod ng umiinit na usapin sa pagbili ng child pneumococcal vaccines na may kabuuang budget na P4.9 bilyon.

Nitong Nobyembre, napag-alaman na ang DOH tender ay nalimitahan sa iisa lamang na supplier ng naturang bakunang pambata kontra pneumonia sa kabila ng pahayag ng global vaccine authorities na ang dalawang bakuna sa merkado ay parehong mabisa sa pagsugpo sa nasabing karamdaman. Nagdulot ito ng panawagan ng publiko at ng stakeholders na gawin ng Department of Health (DOH) na open at competitive ang nasabing bidding.

Sa press briefing noong Nobyembre, sinabi ni Health Undersecretary Rolando Enrique Domingo na kasalukuyan nilang sinusuri ang cost effectiveness at bisa ng pneumonia vaccines na nasa merkado.

Idinagdag niyang bagama’t lagi namang open tenders ang ginagawa ng DOH, ang orihinal na call for bidding para sa PCV ay may mga ispe­sipikasyon na nakatuon para lamang sa iisang brand ng bakuna.

Dahil dito, sinuspinde ang bidding at inatasan ng DOH ang HTAC upang muling suriin ang naturang mga bakuna.

Nauna rito, binigyang-diin ng World Health Organization (WHO) ang kanilang posisyon na ang dalawang bakuna sa merkado—ang PCV 10 at PCV 13—ay magkatulad ng bisa sa pagkontra sa sa pangkalahatang pneumococcal disease sa mga bata. Sa kanilang position paper, sinabi nilang walang sapat na ebidensiyang magpapatunay sa pagkakaiba ng impact ng dalawang bakuna.

Maging ang Pan-American Health Organization (PAHO) ay nagsabing walang ebidensiya ng ‘superiority’ sa dalawang bakuna.

Isa pang global vaccine authority, ang International Vaccine Access Center (IVAC), ang nagsabing sa kanilang 2017 PCV product assessment, walang ebidensiyang nagpapatunay ng karagdagang benepisyo ng isang bakuna kumpara sa pa­ngalawang bakuna.

Sa isa pang press briefing, sinabi ni Dr. Anna Ong Lim, presidente ng Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines, na ang pneumonia ay isang sakit na talamak sa mga bata.

“Sa daan-daang bansa sa buong mundo, ang Filipinas ay nasa top 15 pagdating sa bilang ng mga namamatay dahil sa pneumonia. Ang 15 bansa na nasa top list ay responsible sa 75% ng lahat ng bilang ng namamatay dahil sa nasabing sakit.  PILIPINO Mirror Reportorial Team

Comments are closed.