MINALIIT ni Creamline Cool Smashers skipper Alyssa Valdez ang pananakit ng kaliwang tuhod sa kalagitnaan ng kanilang championship match kontra Kurashiki Ablaze noong Linggo.
Si Valdez ay hindi ipinasok sa krusyal na fourth at fifth set at umiika nang tanggapin ang kanyang ikalawang Best Outside Spiker trophy matapos ang laro.
Ang bagay na ito ay ikinabahala ng kanyang mga follower, na nangangambang nagtamo ng panibagong injury ang Phenom.
Sa isang panayam, ipinaliwanag ni Valdez na normal lamang sa mga atleta na makaramdam ng sakit, lalo na siya na nanggaling sa injury.
“I think as an athlete normal naman na merong masakit. I just came from an injury also. Medyo nakakalungkot na out of all the days din but no excuses. Japan really did a good job today, everyone in our team played very well,” sabi ni Valdez, na umiskor ng 6 points sa laro.
Tiniyak din niya na sisikapin niyang magpokus sa pagpapahusay at pagpapalakas ng katawan bago ang susunod na conference.
Idinagdag ni Valdez na nagpapasalamat siya na masaksihan ang pag-step up ng kanyang teammates kapag kinakailangan para makapag-ambag sa loob ng court.
“Mas ano lang, focus on improving pa and magpalakas so ‘yun lang. At the end of the day, everyone in our team really did a good job from our bench. Talagang kahit sino kasi andun na ‘yung sistema namin so kahit sinong kuhanin sa team namin talagang magde-deliver,” sabi ni Valdez.
Subalit isa itong matagumpay na pagbabalik para kay Valdez, na agad na nagwagi ng individual award matapos bumalik sa competitive volleyball.
Si Valdez, isang seven-time Best Outside Spiker sa liga, ay eighth-highest scorer na may 57 points at may second-best success rate sa spiking, sa 39.23 percent.